ABANGERS na ngayon pa lang ang mga loyal supporters ni Daniel Padilla sa comeback TV series nitong “Incognito” mula sa ABS-CBN Studios.
Pinusuan at umani ng sandamakmak na comments mula sa mga netizens ang inilabas na teaser para sa naturang serye pati na rin ang mga litrato na kuha sa taping nina Daniel sa El Nido, Palawan.
Makakasama ng dating boyfriend ni Kathryn Bernardo sa “Incognito” sina Richard Gutierrez, Ian Veneracion, Baron Geisler, Kaila Estrada, Anthony Jennings at Maris Racal.
Mahirap at talagang sakripisyo ang lahat ng cast members at production team sa taping nila sa El Nido. Sey ni DJ sa panayam ng ABS-CBN, “Medyo inulan… ulan araw, ulan araw, pero masaya maganda mga nakunan du’n.”
Ang “Incognito” ang masasabing pagbabalik ni Daniel sa action-drama. Ang huling sabak pa niya sa maaaksyon at buwis-buhay na mga eksena ay sa “La Luna Sangre” pa na ipinalabas noong 2017.
“So far, very professional naman lahat. Si Chard nanggaling sa ‘Iron Heart’, si Tito Ian from action din. Ako yung naghahabol ngayon sa kanila, buti na lang mga kaibigan ko sila, at inaalalayan nila ako,” pahayag ni DJ sa nasabing interview.
Sey pa ng aktor, bago raw sila sumabak sa shooting ng “Incognito” ay sumailalim muna sa iba’t ibang training kabilang na riyan ang “Pekiti”, na isang uri ng martial arts.
“Nag-training kami. We had two, three months of training before doing this. Talagang pinaghandaan nang maigi, siyempre ayaw nating magmukhang nagpapanggap doon. Gusto natin totoo lahat,” pahayag ni DJ.
Pagbabahagi pa ng aktor, pagkatapos ng taping nila sa El Nido, Palawan ay lumipad agad sila patungong Italy para naman doon kunan ang pasabog na pilot week ng serye.