Bagyo posibleng pumasok sa bansa sa Sept. 13, nagpapaulan na sa ilang lugar

Bagyo posibleng pumasok sa bansa sa Sept. 13, nagpapaulan na sa ilang lugar

PHOTO: Website/PAGASA

POSIBLENG magkaroon muli ng bagyo sa ating bansa, kaya huwag kalimutang magdala ng payong at kapote sa tuwing lalabas ng bahay.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), posibleng pumasok sa ating teritoryo ang bagyo na may international name na Bebinca bukas ng gabi, September 13.

Huli itong namataan sa layong 1,755 kilometers silangan ng Southeastern Luzon o 2,010 kilometers silangan ng Central Luzon.

Ang hangin nito ay may lakas na 95 kilometers per hour malapit sa gitna at bugsong aabot sa 115 kilometers per hour.

Kasalukuyan itong kumikilos pa-kanluran sa bilis na 95 kilometers per hour.

Baka Bet Mo: Aiko puring-puri ang anak ni Yorme na si Joaquin: Napakabait na bata

Sabi ni Weather Specialist Benison Estareja, posibleng maging Typhoon ang bagyo bago pumasok sa ating bansa at ito ay papangalanang Bagyong Ferdie, ang pang-anim na bagyo para sa taong ito.

Hindi raw magtatagal ang bagyo at ito ay aasahang lalabas din ng bansa sa Sabado, September 14.

“Sa paglabas nito, pagpapaibayo pa rin ito ng Habagat o Southwest Monsoon kaya’t magpapatuloy pa rin ang mga pag-ulan in many areas in our country hanggang dito sa may Northern and Central Luzon kabilang na ang Metro Manila hanggang sa susunod po na linggo na ‘yan,” paliwanag ni Estareja.

Bukod diyan, mananatili rin daw na malayo sa kalupaan ang bagyo, pero paalala ng PAGASA ay posible pa rin ang banta ng baha at pagguho ng lupa.

Base sa weather bulletin ng ahensya, asahan ang mga pag-ulan ngayong araw (Sept. 12) sa maraming lugar na dulot ng “trough” o buntot ng bagyo na nasa labas ng bansa, pati na rin ng Southwest Monsoon o Habagat.

Ilang lugar na uulanin dahil sa trough ng Bebinca ay ang Eastern Visayas, Caraga, Catanduanes, Albay, Sorsogon, at Masbate.

Gayundin ang Cagayan Valley, Aurora, Quezon, at ang nalalabing bahagi ng Bicol Region.

Dahil naman sa habagat, mararanasan ang scattered rains sa Palawan, Occidental Mindoro, Romblon, at natitirang bahagi ng Visayas at Mindanao, pati na rin ang nalalabing bahagi ng MIMAROPA at CALABARZON.

Read more...