Knows n’yo na ba…paano kumakalat, maiiwasan ang ‘mpox?’

Knows n’yo na ba…paano kumakalat, maiiwasan ang ‘mpox?’

PHOTO: World Health Organization (WHO)

NOONG buwan ng Agosto, kinumpirma ng Department of Health (DOH) ang kauna-unahang kaso ng mpox (dating monkeypox) sa ating bansa ngayong 2024.

Ang pasyente ay isang 33-year-old na lalaki at residente sa Metro Manila na nagpositibo sa virus noong August 18.

Ayon sa mga ulat, walang travel history ang nagkaroon ng mpox.

Ano ba ang mpox?

Ayon sa World Health Organization (WHO), ang mpox ay isang viral illness na sanhi ng monkeypox virus na kabilang sa “Orthopoxvirus genus.”

Baka Bet Mo: Knows n’yo na ba kung paano maiiwasan ang ‘heatstroke’ lalo na ngayong tag-init?

Ang sakit na ito ay unang nadiskubre sa Democratic Republic of the Congo noong 1970.

Naging endemic ang virus sa Central at West Africa, at kalaunan ay naging isang global outbreak sa taong 2022.

Paano ba kumakalat ang mpox?

May apat na klase kung paano kumakalat ang nabanggit na sakit sa ibang tao.

Una na riyan ang “direct contact” sa mga pantal o rashes, sugat, o body fluids na mula sa isang infected person.

Pwede ring mahawa sa pamamagitan ng “extended close contact” na kung saan ay mahigit apat na oras kang exposed sa taong may mpox, lalo na kung may respiratory droplets kabilang na ang sexual contact.

Posible rin kung “indirect contact” na kung saan ay mahahawaan ka sa pamamagitan ng damit o gamit na hinawakan o natalsikan ng body fluids ng may sakit.

At ang panghuli, ang infected na buntis ay pwedeng maipasa ang virus sa kanilang fetus o namumuong sanggol.

Ano-ano ba ang sintomas ng mpox?

Lumalabas ang sintomas from 3 to 17 days matapos ma-expose at ang pagkakaroon nito ay maaaring magtagal mula dalawa hanggang apat na linggo.

Kabilang na riyan ang rashes, lagnat, pamamaga ng mga kulani at pananakit ng mga kalamnan.

Pero nilinaw ng US-based Cleveland Clinic na hindi lahat ng nahawaan ng mpox ay makararanas ng lahat ng nasabing sintomas.

Ilan lamang sa mga madaling mahawa ay ang mga may mahinang immune system, mga bata na wala pang isang taon, mga taong may history ng eczema at mga buntis.

Paano maiiwasan ang mpox?

Ilan lamang sa mga inirekomenda ng DOH upang maiwasan ang pagkalat ng mpox ay ang mga sumusunod:

observe respiratory etiquette; takpan ang bibig sa tuwing uubo o babahing.

Tiyakin na may magandang airflow o daloy ng hangin.

Madalas na maghugas ng kamay sa pamamagitan ng sabon at tubig o kaya naman ay alcohol-based hand sanitizer.

Iwasan at layuan na muna ang mga may mpox o ‘yung mga nagsisimulang magkaroon nito.

Ang mga may suspected mpox ay kailangang mag-isolate agad at magpa-check up sa doktor.

Ano ba ang gamot sa mpox?

Sa kasalukuyan, walang pang treatment o gamot na naaaprubahan para sa mpox.

Pero maaaring i-take ang ilang antiviral drugs na orihinal na ginawa para sa smallpox, kabilang na riyan ang tecovirimat (TPOXX) o brincidofovir (Tembexa).

Read more...