Alice Guo walang ‘palit-ulo’ nang kuhain sa Indonesia, ayon kay PBBM

Alice Guo walang ‘palit-ulo’ nang kuhain sa Indonesia, ayon kay PBBM

PHOTO: Facebook/Benhur Abalos

NILINAW ng Pangulong Bongbong Marcos na walang “palit-ulo” na naganap sa Indonesia upang makuha ang dating alkalde ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo.

Ang pahayag na ito ng presidente ay dahil sa kumalat na mga ulat na nagkaroon pa ng negosasyon sa pagitan ng Pilipinas at Indonesia kaugnay sa gagawing pag-“swap” kay Alice at Australian na si Gregor Johann Haas na wanted sa Jakarta.

Magugunitang naaresto ng ating mga awtoridad si Haas sa Cebu noong Mayo dahil sa drug smuggling.

“No swap happened. No swap,” sey ni Marcos sa panayam ng Palace reporters sa Antipolo, Rizal.

Paliwanag niya, “Because lumabas sa isang article sa Indonesia na dapat mag-swap pero hindi official yun. So, no.”

Baka Bet Mo: Alice Guo kay Sec. Benhur Abalos: ‘Patulong, may death threats po kasi ako’

Gayunpaman, sinabi ng chief executive na hindi rin naging madali ang pag-retrieve nila kay Alice mula sa mga kamay ng Indonesian authorities.

“We were negotiating very intricate, very sensitive, and very delicate details for the last… what… maybe 48 hours. Kinakausap natin ang mga kaibigan sa Indonesia,” pagbabahagi niya.

Kasunod niyan ay nagpasalamat siya sa pangulo ng Indonesia na si Joko Widodo dahil matagumpay nilang nakuha ang dating mayora pabalik ng Pilipinas.

“Napakiusapan naman natin ang mga kaibigan natin sa Indonesia na pabayaan na ang Pilipinas na kunin na siya at iuwi na siya dito sa Pilipinas,” saad ni PBBM.

Magugunita noong Hulyo nang tumakas papunta sa ibang bansa si Alice, kasama ang kanyang mga kapatid umano na sina Wesley at Sheila, pati na rin ang business associate na si Cassandra Li Ong.

Naaresto sa Indonesia sina Sheila at Cassandra noong Agosto.

Sa ngayon ay nakakulong si Sheila sa Senado, habang si Cassandra ay naka-detaine naman sa House of Representatives.

Si Alice ay kababalik lang ng ating bansa sa pamamagitan ng chartered private plane noong Biyernes, September 6, bandang 1:10 a.m.

Samantala, para lang sa mga hindi aware, si Gregor ay wanted sa Indonesia dahil sa mga kasong drug trafficking.

Noong Enero, nag-isyu ng warrant of arrest ang National Narcotics Board of Indonesia laban sa Australian wanted dahil sa pagtatangkang pagpuslit umano nito ng limang kilo ng methamphetamine mula Guadalajara, Mexico papuntang sa kanilang bansa.

Ayon sa batas ng nasabing Asian country, siya ay posibleng hatulan ng kamatayan by firing squad.

Sinabi ng Bureau of Immigration (BI), si Gregor ay isang “high-profile fugitive” at miyembro umano ng Sinaloa cartel, isang malaking international organized crime syndicate na naka-base sa Mexico.

Read more...