SA kanilang major television debut ngayong Lunes, September 9, ibinandera ng Bilyonaryo News Channel ang kanilang lineup para sa anchor desk ng primetime newscast na “Agenda.”
Ito’y pangungunahan ng mga de-kalibreng broadcast news anchor sa bansa — ang Agenda Setters na sina Korina Sanchez-Roxas at Pinky Webb.
Naunang inihayag ang makasaysayang pagbabalik sa news anchoring ng award-winning journalist na si Korina Sanchez-Roxas, na ang huling naging newscast ay halos may isang dekada na.
Baka Bet Mo: Kris binigyan uli ng tribute si Noynoy Aquino: We’ll miss you forever!
Taglay ang mukha at pangalan na kasing kahulugan na ng Philippine media sa loob ng nagdaang limang dekadang pagiging anchor ng mga pangunahing news programs at lifestyle shows, si Korina ay isa na sa mga haligi ng broadcast journalism sa bansa.
Ang “Agenda” ay patuloy na sasandig sa kanyang diretsong estilo ng pagtatanong sa mga stakeholders tungkol sa iba-ibang isyu na nakakaapekto sa bansa bilang pangunahing agenda ng programa.
Makakasama sa newsdesk ng “Agenda” ang kinikilalang broadcast journalist na si Pinky Webb.
Si Pinky ay may tatlong dekada nang karanasan sa industriya ng pagiging anchor sa iba’t ibang programa para sa major news channel.
Ang kanyang banayad na estilong panlabas ay bumabalanse sa kanyang masidhi at walang humpay na pamamahayag.
Baka Bet Mo: Ilang pangunahing bilihin nagbabadyang tumaas ang presyo – DTI
Si Pinky ay kilalang mapapagkatiwalaan at may kalmadong pagbabalita na hahatak sa mga manonood para dalhin ang kanilang atensyon sa mga pangunahing isyu at balita.
Bahagi rin ng “Agenda” si Jam Alindogan, na isang internationally-acclaimed correspondent at co-founder ng aid organization na Sinagtala.
Si Jam ang magiging Foreign Affairs Editor ng channel na responsable sa lingguhang special report tungkol sa mga mahahalagang isyu sa iba’t ibang panig ng mundo.
Isa pang beterano na makakasama sa pagbabalita ang walang takot na mamamahayag na si Nancy Carvajal. Si Nancy ay makakasama ng “Agenda Setters” dalawang beses sa isang linggo para sa mga special reports.
Ang “Agenda” ay araw-araw mapapanood sa primetime newscast mula 6 p.m. hanggang 7 p.m.. Ang headline grabbing program na ito ang magiging pangunahing plataporma ng Bilyonaryo News Channel laban sa propaganda ng mga taong nasa kapangyarihan at panlaban sa mga nagkakalat ng fake news.
Ang “Agenda” ang tatalakay sa mga pinakamalalaking isyu kada araw na may malaking epekto sa bansa at sa buhay ng sambayanan.
Tatalakayin dito ang bawat anggulo at aspeto sa pamamagitan ng in-depth reporting, no-nonsense, hard-hitting interviews sa mga principal at major stakeholders.
Ang Bilyonaryo News Channel ay available sa free-to-watch television channel na BEAM TV 31 (sa pamamagitan ng mga digital TV boxes sa Metro Manila, Cebu, Davao, Iloilo, Baguio, Zamboanga, at Naga), gayundin sa pangunahing cable TV provider na Cignal Channel 24.