KINASUHAN ng viral waiter ang transwoman na si Jude Bacalso kahit nag-sorry na ito sa ginawang pagpaparusa sa kanya nang tawagin niya itong “Sir.”
Nabuhay muli ang isyu sa pagitan ng naturang waiter at ng social media personality na naka-base sa Cebu matapos magsampa ang lalaki ng iba’t ibang kaso laban kay Jude.
Naging mainit na usapin sa social media ang pagpapatayo ni Jude sa waiter ng isang restaurant sa Cebu nang two hours dahil na-offend daw siya sa pagtawag ng sa kanya ng “Sir” gayung nakadamit-babae na siya with matching make-up pa.
Baka Bet Mo: Customer na tinawag na ‘SIR’ nag-sorry na pero bugbog pa rin sa netizens
Grabe ang natanggap na batikos ng proud member ng LGBTQIA+ community mula sa mga netizens pati na rin ng ilang celebrities, talagang kinastigo siya sa ginawa niyang pamamahiya sa waiter.
Kasunod nito, nag-issue ng public apology si Jude at inaming may pagkakamali rin siya sa nangyari. Walang narining ang sambayang Filipino mula sa waiter pagkatapos mag-sorry ang transgender.
At makalipas nga ang isang buwan, biglang lumantad ang waiter at nagsampa ng limang kaso laban kay Bacalso — ang unjust vexation, grave scandal, grave threats, grave coercion, at slight illegal detention.
Ang pormal na reklamo ng waiter ay inihain sa Cebu City Prosecutor’s Office noong August 28 sa pamamagitan ng kanyang abogado na si Atty. Ron-Ivan Gingoyon.
Bukod dito, nagsampa na rin sila ng labor case laban sa Ulli’s, ang restaurant kung saan nangyari ang insidente.
Pahayag ni Atty. Gingoyon sa isang panayam, “As of now, the victim is still traumatized but is trying to co-exist with society. We’re also helping him but the effect to his mental health was significant.”
Sabi pa ng abogado, wala raw ginawa si Bacalso para ayusin ang isyu sa kanila ng waiter. Nag-sorry daw ito sa pamamagitan ng sicial media ngunit hindi man lang nag-reach out sa biktima.
Sa ulat naman ng Cebu Daily News, base sa isinagawang psychological evaluation sa biktima, nakaranas ito ng traumatic stress reactions dahil sa mga nangyari.
Bukod sa halos araw-araw umiiyak ang waiter, ay may mga pagkakataong hindi siya nakakatulog dahil sa trauma. Natatakot din siyang magpakita sa tao sa takot na mapahiya at kutyain.
Pinayuhan din ang waiter na sumailalim sa “trauma-focused psychoeducation aimed at addressing traumatic stress reactions.”
Wala pang pahayag si Bacalso hinggil sa mga kasong isinampa sa kanya ng waiter. Bukas ang BANDERA sa magiging resaksyon niya tungkol dito.