NAKA-ISOLATE ang batikang komedyana na si Candy Pangilinan matapos ma-diagnose ng viral infection na “shingles” o ang tinatawag na Herpes Zoster.
Base sa isang health website, ang shingles ay mga pantal o paltos sa balat na sanhi ng parehong virus na nagdudulot ng bulutong o chickenpox.
“Pagkatapos mong magkaroon ng bulutong-tubig, mananatili ang virus sa iyong katawan. Maaaring hindi ito magdulot ng mga problema sa loob ng maraming taon. Ngunit habang tumatanda ka, maaaring muling lumitaw ang virus bilang mga shingles,” saad sa na-search namin.
Nilinaw rin na hindi nakakahawa ang shingles, pero maaaring makakuha ng bulutong kung hindi pa nagkakaroon ng chickenpox ang isang tao.
Sa YouTube, ibinandera ni Candy ang kanyang kondisyon na ipinapakita ang kabilang side ng mukha na nakatakip ng gasa.
Baka Bet Mo: Candy ‘naaksidente’ sa EDSA, sumabog ang gulong ng kotse: Hindi naman masyadong wasak ‘di ba, wasak na wasak!
“Ang meron po ako ay shingles [at] masakit po siya,” bungad niya sa vlog.
Kwento pa ng actress-comedienne, “I was supposed to be admitted in the hospital. Ang nangyari, sa derma ako pumunta [kasi] akala ko ang problema is skin lang kasi para akong may pimple. Medyo tinatamaan ‘yung eyes ko, tapos parang nahihilo ako.”
Sinabi raw sa kanya ng doktor na ito ay shingles at siya ay binigyan agad ng gamot upang mapuksa ang virus.
Pinapunta rin siya ng dermatologist sa isang ophthalmologist upang ma-check kung nagkaroon ng gasgas ang kanyang retina dahil sa sakit.
“Ang problema kasi nasa ulo e, so paakyat ‘yung shingles ko,” paliwanag ni Candy.
Dagdag niya, “They wanted to admit me for pain management [but] I opted to stay at home. Nag-quarantine po ako sa loob ng office ko… Naka-monitor naman sa akin ‘yung doctor.”
Sinabi rin ng celebrity mom na hindi niya ipinapakita ang kanyang mukha sa anak niyang si Quentin dahil baka ito’y mag-panic.
Alam naman natin na isang neurodivergent child ang anak ni Candy na mayroon itong Autism Spectrum Disorder (ASD) at Attention Deficit Hyperactivity Disorder (ADHD) kaya dobleng pag-iingat ang kailangan pagdating sa mga ganitong sitwasyon.
Sa dulo ng video, sinabi ni Candy na siya ay road to full recovery na at inilarawan niya itong isang milagro.
“Minsan ang shingles ‘pag pagaling na, lumilipat siya. Kaya ‘yun po ang pinagpe-pray ko, ‘yung hindi siya lumipat,” sambit ng aktres.
Aniya pa, “But I’m still blessed because I’m alive.”