LUCY walang magawa, di mabisita ang mga kababayan sa Ormoc
Martes nang hapon ay magkasama pa kami ni Congresswoman Lucy Torres-Gomez. Marami kaming napagkuwentuhan, tumutok pa nga kami sa mga pangarap niyang mangyari sa kanyang distrito bilang kinatawan ng 4th District ng Leyte, plano niyang magpa-show du’n para ang kikitain naman ay ipangdadagdag nila sa mga proyektong matagal na niyang gustong masimulan.
Wala pang anunsiyo nu’n tungkol sa super typhoon na ang ruta ay ang mismong lugar nila, malayo sa kanyang isip ang ganu’ng senaryo, hanggang sa nu’ng Miyerkules nang gabi nga ay lumutang na ang posibilidad ng pamumuksa ni bagyong Yolanda sa kanilang lugar.
Ngayon ay puro malulungkot na alaala na lang ni Yolanda ang kaulayaw ng mga taga-Leyte, ‘yun ang minatahan talaga ng itinuturing na pinakamapamuksang bagyo na umatake sa buong planeta sa taong ito, isa sa mga napuruhan ay ang siyudad ng Ormoc na malapit lang sa karagatan.
“Wala kaming communication ngayon ng mga tao ko, walang kuryente, walang signal, wala lahat. Meron akong nakausap na taga-Cebu na may nakausap na kamag-anak niya and she told me the horrifying disaster that this super typhoon left to our constituents.
“Hindi naman ako makalipad, wasak ang airport ng Tacloban, dalawang oras pa kasi mula du’n bago ako makarating sa Ormoc, pero wala ring possibility ngayon na makapasok ako, dahil choked ang mga daan.
“Nagbagsakan ang mga puno, nakaharang sa main roads, kaya nakakapag-alala talaga ang disaster na ito. Pero nakipag-usap na ako sa mga government agencies na kailangang tumulong sa lugar namin, pagkain at tubig ang kailangan nila, ‘yun muna talaga bago ang clearing at rehabilitation ng mga lugar na talagang winasak ng bagyo,” malungkot na kuwento ni Cong. Lucy sa kabilang linya.
Pakiramdam niya ngayon ay wala siyang magawa sa mga pangangailangan ng kanyang mga kababayan, pero ang totoo ay nu’ng isang araw pa niya gustong samahan ang kanyang mga nasasakupan, paraan lang ang wala.
( Photo credit to Google )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.