KUMIKITA pala ang celebrity couple na sina Lovely Abella at Benj Manalo ng P4 million hanggang P5 million sa loob lamang ng isang buwan sa pagla-live selling.
Nangyari raw ito noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic nang magdesisyon ang mag-asawa na pasukin ang pagbi-business sa pamamagitan ng social media, partikular na sa Facebook.
Hindi raw nila in-expect na dadami nang bonggang-bongga ang kanilang mga customers sa online selling. Ang ilan sa mga ibinebenta nila ay mga branded bag, pabango at alahas.
“Nagkakaroon kami ng magandang credentials doon sa mga audience namin. Kumbaga, alam nilang hindi sila mai-scam.
“Alam nila na parang ‘Okay, pagkakatiwalaan ko sila. Kilala ko ‘to. Familiar sila.’ So ‘yung unang trust kaagad na ibibigay nila is 100%,” ang pahayag ni Benj sa guesting nila ni Lovely sa “Fast Talk with Boy Abunda.”
Baka Bet Mo: Benj tinawag na ‘best partner’ si Lovely: 7 years na tayo pero sobrang in love pa rin ako sa ‘yo
Patuloy pa ng anak ni Jose Manalo, “May isang buwan doon, sabi nila ghost month that time, walang pera ang mga tao, pero we earned at least one month nang mga P4M to P5M. That’s net.
“That time, sabi namin, ‘Kaya na natin ‘to.’ I mean, ‘di na natin kailangang magtrabaho. We were so full of ourselves,” aniya pa.
Rebelasyon ng mag-asawa, sa sobrang busy nila sa live-selling ay puro negosyo na lang ang kanilang iniintindi. Parang hindi na nila binibigyang pansin ang ibang bagay sa paligid nila.
Hanggang sa dumating daw yung araw na parang pinitik sila ni Lord dahil biglang nawala ang kanilang Facebook page na may mahigit 1 million followers na. Dahil dito, nawalan sila ng platform para sa kanilang business.
Nangyari raw ito nang um-attend sila sa isang convention sa Singapore para isang jewelry supplier. Talagang shookt ang mag-asawa nang madiskubreng deleted na ang FB page nila for live selling.
“We were so scared na parang ‘Paano nang gagawin natin?’ It was a realization sa amin na parang Lord can actually take that away in a snap. So from there, we learned,” ani Benj.
Dito raw sila mas kumapit sa isa’t isa, at mas pinahalagahan ang kanilang pananampalataya sa Diyos. Mas nagsipag daw sila sa pagtatrabaho at mas binalanse nila ang bawat aspeto ng kanilang buhay.
Sa kabila ng naranasang pagsubok, nakapagpundar pa rin sina Lovely at Benj ng mga properties mula sa mga kinita nila sa live selling.
Ayon pa sa celebrity couple, nagpapasalamat sila sa Diyos at sa lahat ng mga taong nagtitiwala sa kanila dahil unti-unti nang bumabalik sa dati ang kanilang business.
Sa ngayon ang Facebook page nila ay meron na ngayong halos 40,000 likes at 96,000 followers. At in fairness, pak na pak pa rin sa netizens ang mga ibinebenta nilang alahas, bag at mga perfume.