NAGBABALA si Sen. Risa Hontiveros sa publiko patungkol sa kumakalat na larawan sa social media kung saan kasama niya ang dismissed Bamban, Tarlac mayor Alice Guo.
Sa naganap na “Kapihan sa Senado”, nag-react ang senadora sa kumakalat na fake news na may kaugnayan siya sa naging pagtakas ng dating mayor.
“Nakakaloka naman itong FAKE NEWS na si Alice Guo daw nagbigay ng info sa akin kung nasaan siya,” saad ni Sen. Risa sa caption ng video clip na ibinahagi niya mula sa naganap na Kapihan.
Sa mismong video ay iginiit ng senadora na walang katotohanan ang mga kumakalat na fake news patungkol dito.
Baka Bet Mo: Risa Hontiveros kinuwestiyon ang budget na hinihingi ni Sara Duterte
“Hindi kami friends din eh, kaya hindi siya ang nagbigay ng information sa akin, gaya ng nabanggit ko kanina, ako po’y sumulat naman talaga sa NBI noon para humingi ng update sa kanilang manhunt kay Guo Hua Ping [Alice Guo],” lahad ni Sen. Risa.
Pagpapatuloy pa niya, “Nung makatanggap ng unverified pa na information mula pa mismo sa NBI, kinorroborate po namin iyon at nagawa naman po mula sa iba pang mga sources sa ibang mga bansa kasama ang Malaysia, ang Singapore pati China, and then, in the meantime, na-corroborate na rin ng Bureau of Immigration.”
Ipinaalala rin ni Sen. Risa sa comment section na talagang wala silang kaugnayan ni Alice Guo.
“WARNING: Mag-ingat din po sa mga edited photos online na magkasama kami di umano at magkaibigan daw kami. FAKE NEWS lahat po. Wala akong kaibigan na pekeng Pilipino. Please be vigilant.”
Si Sen. Risa ang nagsabi na nakalabas na ng bansa si Alice Guo noon pang Hulyo at nagpunta na ito sa Malaysia, Singapore, at huli ay nasa Indonesia.
Sa Indonesia nga nahuli ng mga otoridad ang dalawang kasama ni Alice na sina Cassandra Li Ong at Shiela Guo.