Trigger Warning: Mention of sexual abuse
ABOT-LANGIT ang pasasalamat ng kontrobersyal ngayong singer-actor na si Gerald Santos sa yumaong movie at TV icon na si German “Kuya Germs” Moreno.
Maraming nawalang oportunidad kay Gerald noong nagsisimula pa lamang siya sa showbiz dahil sa umano’y panggigipit sa kanya ng ilang “powerful” na tao sa GMA Network.
Ito’y may konek nga sa inireklamo niyang musical director na nagtatrabaho noon sa Kapuso Network na nanghalay daw sa kanya noong 15 years old pa lamang siya.
Sa isang vlog na in-upload niya sa YouTube, nabanggit ng binata na hindi naging madali para sa kanya ang pinagdaanang pagsubok mula nang magsumbong siya sa mga opisyal ng GMA sa kagustuhang mabigyan ng hustisya ang nangyari sa kanya.
Baka Bet Mo: Sey daw ni Kuya Germs kay Andrew E nang mag-audition sa That’s Entertainment: ‘OK, thank you! Next…’
Pero sabi ni Gerald, feeling niya ay pinersonal siya ng ilang executive ng network dahil sa nangyari hanggang sa halos wala nang ibinibigay na trabaho sa kanya.
Buti na lang daw at may mga natatanggap pa rin siyang offer noong panahong yun, kabilang na ang pagtatanghal niya sa ibang bansa. Tulad na lang ng “Miss Saigon” sa London at Denmark.
“Ako naman po, wala naman po mawawala na sa akin ngayon. For 14 years, I’ve been an independent artist, at napatunayan ko naman po na kinaya ko pong tumayo sa akin pong sariling paa.
“At ako po nga po ay nabigyan pa ng opportunity sa international stage dahil po dito,” aniya.
Rebelasyon ni Gerald nang tanggalin siya sa mga musical-variety show noon ng GMA na “SOP” at “Party Pilipinas” ay kinuha siya ni Kuya Germs para mag-perform at mag-host sa programa nitong “Walang Tulugan With the Master Showman.”
Patuloy na kuwento ng aktor, “Yung tao nga po, sinasabi ko sa inyo na hanggang ngayon ay galit na galit pa rin po sa akin (mataas na tao sa network).
“Ang dami pong nakakarating sa amin na every time we will attempt to guest sa any shows sa GMA, itong taong ito, tuwing maririnig daw ang aking pangalan, talagang tinataas pa ang kamay at sinasabing ‘hindi puwede,’ bawal daw ako.
“After kong matanggal sa SOP, sa Party Pilipinas, ako po ay napapunta sa Walang Tulugan, kay Kuya Germs.
“At masasabi ko po na isa si Kuya Germs sa mga nakipaglaban po sa akin. Siya lamang po yung nag-go against the flow kahit na ang dami pong galit na galit sa akin noon sa network.
“At may nakarating pa po sa akin na nu’ng mabalitaan nila na ako ay nasa Walang Tulugan, may mga tumatawag daw kina Kuya Germs at kay Kuya John Nite na bakit ako nandito, bakit ako nandun sa Walang Tulugan, dapat hindi daw ako pinaggi-guest doon.
“At ito po ang malala, kahit po sila yung mga tao na sumuporta po sa akin doon, nagpakita ng support noong time na yun, pati po sila ay napag-iinitan. So, ganito po kalala, ‘no?” aniya pa.
Si John Nite ay pamangkin ni Kuya Germs at co-host din niya noon sa “Walang Tulugan.”
“Sana kapag nagdudulog ng mga reklamo ang mga artists, hindi po ganito. Hindi po napag-iinitan. Hindi po pini-pin down dahil nag-i-stand sa kanilang prinsipyo. Nag-i-stand sa kanilang mga pinagdaanan.
“Kaya po takot na takot talaga ako noon na magsalita dahil ganito nga po ang mangyayari. At ganu’n na nga po ang nangyari nung panahon na yun. Ako po ay na-outcast basically.
“I really want to express my gratitude to Kuya Germs, dahil isa po siya sa nagpakita nu’n ng todong suporta at pagmamahal sa akin.
“Thank you din kay Kuya John Nite dahil isa rin siya noon sa mga tinatawagan dahil bakit daw ako nandun sa show nila. At somehow ay nadamay din po itong mga taong ito, napag-iinitan din po sila,” mensahe pa ni Gerald.
Samantala, nakakita rin ng silver lining ang binata sa lahat ng pinagdaanan niya noon, dahil mula raw noong isapubliko niya ang ginawang panghahalay sa kanya ng musical director na yun ay marami na raw ang nag-oopen-up sa kanya na mga biktima rin ng pang-aabuso.
“Sa mata ng Diyos, sa panahon ng Diyos, talaga nga pong dadating ang hustisya sa bawat isa. Hindi ko po akalain na darating po ang panahon pa na ito, na ako po ay magkakaroon po ng boses, para ipaglaban ko ang aking sarili at mabigyan ko din po ng boses sa ibang mga tao.
“Alam niyo po, gulat na gulat ako dahil may mga nagmi-message din po sa akin ng mga sarili nilang kuwento ng mga harassments po sa kanila.
“Ako po ay talagang gusto ko pong umiyak habang binabasa ko itong mga istorya nila dahil napakadami po talagang mga kababayan natin ang mga naaabuso ng mga mapang-abuso sa kanila pong mga kapangyarihan.
“Yung akin pong salita, dahil ako po ay may sariling experience dito po sa ganitong pangyayari, makapagbigay man lang po ako ng inspirasyon.
“Dahil po siguro nagsalita ako, nagkaroon sila ngayon ng lakas ng loob, ito po yung sinasabi ko na hindi kayo nag-iisa.
“Yung mga biktima po ng mga ganitong klaseng gawain, hindi po kayo nag-iisa. Kasama niyo po ako, sa abot ng aking makakaya ay tutulungan ko po kayo.
“Sa mga nagsusumbong po sa akin, I can help you. Kung kanino po puwede natin idulog yung inyo pong mga kaso para ma-facilitate nang tama at ma-handle nang tama yung inyo pong mga cases.
“Huwag po kayo mag-alala dahil gagawin ko po ang akin pong magagawa sa abot ng aking makakaya,” pagbabahagi pa ng singer.
Ito naman ang huling mensahe ni Gerald, “So, ang akin pong huling masasabi, ang nangyari po sa akin ay imbes na ako po ay maprotektahan at alagaan dahil ako po ay homegrown talent ng GMA, dahil ako po ay nagsalita, napag-initan pa po ako.
“Ikaw na naging biktima, ikaw na ang ginawan nang hindi maganda, ikaw pa ang lumabas na masama.”