NAKAKALOKA! Nakalabas na pala ng ating bansa ang dating Bamban, Tarlac Mayor na si Alice Guo.
Ito ang ibinalita mismo ni Senador Risa Hontiveros sa kanyang facebook page ngayong araw, August 19.
Caption pa niya sa unang post, “BREAKING NEWS! Si Alice Guo o Guo Hua Ping ay nakaalis na ng Pilipinas! [angry face emoji]”
Baka Bet Mo: Alice Guo iginiit ang pagiging proud Pinoy: Mahal na mahal ko ang Pilipinas!
May pahabol pa riyan ang senadora sa comment section at sinabing: “Kung hindi po natin ito gawan ng paraan, as an institution, as a country, parang nagpasampal tayo sa dayuhang ito na paulit ulit na sinasaula ang ating mga batas, patakaran at proseso.”
Sa hiwalay na post ni Sen. Risa, ibinandera niya ang proof o pruweba ng pag-alis ni Alice noong Hulyo upang magtungo sa Kuala Lumpur Malaysia.
“Ipapakita ko po ang dokumentong ito, bilang patunay na pumasok sa Malaysia si Alice Guo,” caption niya.
Paliwanag niya, “Siya po ay pumasok ng 12:17:13 military time ng July 18, kaya ibig sabihin umalis siya ng Pilipinas ng gabi ng July 17.”
Giit pa niya, “Hindi po pwede ipagkaila na siya ito dahil po match na match po ito sa kanyang Philippine passport na ifa-flash ko ngayon.”
Kasunod niyan ay pinasalamatan niya ang National Bureau of Investigations (NBI) dahil sa patuloy na pag-track sa dating alkalde.
Pagbabahagi pa ni Sen. Risa sa FB, “Ayon sa aking isa pang source, tumuloy si Alice Guo sa Singapore, kung saan nag tagpo tagpo sila ng kanyang magulang na si Lin Wen Yi at Guo JianZhong.”
“The couple flew in from China on July 28, 2024. Mistulang reunion sila doon kasama si Wesley Guo at si Cassandra Ong,” dagdag pa niya.
Inihayag ng senador ang kanyang pagkabigla at hindi makapaniwala na ito ay mangyayari.
“Hindi makakaalis si Alice Guo kung walang tumulong sa kanya na mga opisyales ng pamahalaan. Para tayong ginigisa sa sarili nating mantika,” sambit niya.
Patuloy niya, “I have always believed that legislative hearings are policy-driven kaya nung nag-announce na ng ban ang Pangulo, sabi ko, we have done our jobs, let law enforcement take the lead.”
“Pero paano kung ang law enforcement mismo ang kelangan imbestigahan? What if they dropped the ball? Paano kung sila ang dapat managot? Nangako ang BI sa akin at sa Senate President Pro Tempore na hindi nila hahayaan si Guo Hua Ping na makaalis sa Pilipinas, eh yun pala ay wala na talaga siya,” aniya pa.
Maaalala noong July 13 nang mag-isyu ng arrest order ang Senado laban kay Guo at sa pitong iba pang sangkot matapos hindi dumalo sa mga nakaraang hearing.
Nag-ugat ang imbestigasyon sa Tarlac town mayor matapos matuklasan ang ilang ebidensya na nali-link sa kanya sa ni-raid na Philippine offshore gaming operator sa bayan ng Bamban.