Gerald Santos: Ako po ay hindi naharas, ako po ay na-rape!

Ako po ay hindi naharas, ako po ay na-rape!

Trigger Warning: Mentions of rape, sexual abuse and harassment

“AKO ay na-rape po, your honor,” ang diretsahang rebelasyon ng singer-actor na si Gerald Santos sa naganap na Senate hearing ngayong araw.

Inamin ni Gerald na ginahasa siya ng dating musical director sa isang TV network, 19 taon na ngayon ang nakararaan.

Sa pagharap ng binata sa pagdinig ng Senate committee on public information and mass media, na nag-iimbestiga sa mga kaso ng sexual abuse sa entertainment industry, naibahagi niya ang ilang detalye sa naranasang panghahalay mula sa kamay ng hindi pinangalanang musical director.

“Ako po ay hindi po na-harass, hindi po na-abuse. Ako ay na-rape po. Na-rape po ako, your honor,” ang pahayag ni Gerald sa mga senador.

Baka Bet Mo: Gerald Santos sa mga nagsasabing mag-move on na siya: Mali po ‘yan

Ang sumunod na tanong ni Sen. Jinggoy Estrada kay Gerald, “There are a lot of definitions of rape. How did you say it was rape?

“Handa po akong ikwento dito ang nangyari, pero ako po ay natatakot na baka po ako ay balikan ng mga taong ito,” aniya pa.

Pagpapatuloy ng “Pinoy Pop Superstar”  alum, nangyari ang insidente noong 2005 at 15 years old pa lamang daw siya noong maganap ang pangre-rape sa kanya.

“For 19 years kinip ko lamang ito dahil sa takot ko nga po, sa kahihiyan. Hiyang-hiya po talaga ako lalo na noon dahil ‘yung grupo na nasa loob ay parang dini-dismiss lang nila ‘yung sinabi ko, na parang mag-move on ka na lang kasi kalakaran ‘yan dito,” sabi pa ng binata.

Ang mas masakit pa raw ay ang sinabi sa kanya ng ilang “powerful individuals” ay mag-move on na lang at inakusahan pa siya ng pagiging homophobic.

“I was only 15 years old at that time your honors kaya wala pa po akong lakas ng loob noon. Contestant pa lang po ako noon.

“Kaya di ko nasabi agad…sa parents ko na iyak na lang nang iyak. Kinamatayan na ng lolo ko sa sama ng loob niya kasi di po ako nabigyan ng katarungan po,” pagbabahagi pa ni Gerald.

Hindi na napigilan ng OPM artist at Broadway star ang kanyang emosyon nang tanungin ni Sen. Jinggoy kung may plano pa ba siyang magsampa ng kaso laban sa kanyang “attacker.”

“Ang tagal ko na po talagang gusto, kaya lang natatakot po talaga ako at walapo akong means. Kaya ako po ay naninik-loob sa inyo. After po nu’ng nagreklamo ako sa GMA, natanggal po ako sa GMA, halos gumapang po kami.

“Dumating sa point na gusto ko na rin tapusin ang buhay ko. Hirap na hirap po ako kung paano ko itataguyod ang pamilya ko,” pag-amin pa niya.

Para sa kasong ito, natanong naman ng senador ang isang resource person mula sa Department of Justice kung ano ang dapat gawin ni Gerald hinggil sa kanyang pinagdaanan lalo pa’t matagal na itong nangyari.

Sabi ng DOJ, ideally the prescription period for heinous crimes such as rape is 20 years, pero dahil minor pa siya nang mangyari ang panghahalay, baka raw bigyan ng konsiderasyon ng korte ang kaso ng singer.

Nagkaroon ng lakas ng loob si Gerald na isapubliko ang nangyari sa kanya matapos magsampa ng reklamong sexual abuse si Sandro Muhlach laban sa dalawalang independent contractors ng GMA 7.

Read more...