PORMAL na inilunsad kahapon ang Moral Force Movement na pinangungunahan ni Chief Justice Reynato Puno sa Far Eastern University na dinaluhan ng may 1,000 katao na sinamahan din ng mga kilalang lider ng iba’t ibang sektor.
Mabigat ang binitiwang salita ng Chief Justice hinggil sa kung ano nga ba ang pakay ng grupong ito, kung ano ang nais nitong isiksik sa isipan ng sambayanan, sa mga kandidato na lalahok sa 2010 elections, at higit sa lahat sa atin na magsisipaghalal ng mga pinuno ng bayan.
Ang kailangan natin, aniya, ay mga “transformational leaders”. Sila na hindi mabibili, hindi mandaraya, hindi mga sinungaling, at hindi rin papayag o magpapahintulot sa mga gumagawa ng ganito.
Meron nga kaya talagang lilitaw na ganitong mga lider? Hari nawa.
Matagal na nating hinahangad ito. Sa tuwing eleksyon, ganito at ganito na lang ang bawat pangarap nating mga Pinoy: ang magkaroon tayo ng tapat na lider na hindi uunahin ang kanyang sarili, ang maglilingkod ng tapat sa bayan, ang uunawa at magsusulong ng kapakanan ng mga nakararami, siyang magiging patas sa lahat ng bagay at yung may takot sa Diyos. Ito palagi ang ating inaasam sa tuwing maghahalalan, pero tila lagi yata tayong bigo.
Lahat tayo, hindi lamang ang Moral Force Movement, ang naghahangad na magkaroon ng lider na tapat, may integridad at paninindigan. Pero hindi naman maaaring hanggang sa paghahangad lamang ito, hindi sa hanggang pangarap lang.
Mag-eeleksyon na naman at nagli-litawan na ang sangkaterbang mga politiko na ibinibenta ang kanilang mga sarili sa taumbayan para mailuklok.
May susulpot kayang kandidato gaya ng hinahanap ng Moral Force Movement, nating lahat? Siya na may ideyalismo at prinsipyo — lider na ang hangad ay mabago ang luray-luray na imahe ng maraming institusyon, maitatag ang isang bansa base sa makatarungan, makatao at demokratikong pamahalaan.
Tulad ng Moral Force Movement, kailanman ay hindi tayo mawawalan ng pag-asa. Kailanman ay mangangarap tayo na may isang lider na susulpot sa ating kala-gitnaan na isusulong ang mabuting pagbabago sa bayan.
At naniniwala tayo na hindi ito magwawakas sa pangarap lang. Dapat tayong makiisa. Sinimulan na ng grupo ang mainit na pakikibakang ito para sa pagbabago, kaya nasa sa atin na ngayon ang desisyon para makilahok, makialam at makilubog sa matinding laban na ito. Hindi kailangang magpatumpik-tumpik. Hindi kailangang susulong tapos aatras; dapat determinado tayo sa pagbabago na gusto nating mara-ting. Kailangang maibalik ang mabuting a-ral na itinuro sa atin ng ating mga magulang, ang katapatan sa lahat ng bagay at integridad.
Sang-ayon tayo sa pagsusulong na tanggihan ang maruming laro ng politika ng mga politikong mapagkunwari. Sila na tuwing eleksyon ay nagsasabi na sila ay makatao, makamahirap, maka-Diyos at makabayan. Sawa na tayo sa ganyang mga boladas at panloloko.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.