SA paghagupit ng super typhoon Yolanda sa Pilipinas noong Biyernes, masusubok na naman ang kakayahan ng mga Pilipino na bumangon mula sa isang trahedya.
Sa lawak ng pinsalang idinulot nito, kailangan talaga ang pagbabayanihan ng bawat isa. Maging ang mga pandaigdigang organisasyon ay kampanteng malalampasan ng bansa ang bangungot na dulot ng super bagyong si Yolanda.
Kilala kasi ang mga Pinoy na nakangiti pa rin sa gitna ng mga pagsubok; bumabangon at hindi kailanman kayang patumbahin ng anumang unos.
Hindi ba’t katatapos lamang ng trahedyang dulot ng paglusob ng mga miyembro ng Moro National Liberation Front (MNLF) sa Zamboanga City na sinundan naman ng 7.2 magnitude na lindol sa Bohol at Cebu.
Sa ngayon, kumikilos na ang lokal at pambansang pamahalaan, sa tulong na rin mula ng ibang bansa para makabangon muli ang tatlong probinsiya. Sa paglabas naman ni Yolanda sa Philippine Area of Responsibility, isa-isa nang papasok ang mga datos hinggil sa lawak ng pinsalang dulot ng super typhoon.
Bagamat mahirap, sa pamamagitan ng tiyaga, pagmamalasakit at pagtutulungan, asahan natin na unti-unting babangon ang mga lugar na sobrang naapektuhan ni Yolanda. Sa panahon din na ito na lugmok ang maraming lugar sa bansa, kailangan ng buong suporta ng administrasyon.
Hangad din natin na makakarating ang tulong sa lahat ng mga apektado ni Yolanda. Bawal din sa ngayon ang pamumulitika. Ang kailangan ng bawat mamamayang apektado ng bagyo ay ang sinserong pagtulong sa kanila at paglalaan ng sapat na pondo ng gobyerno para matugunan ang kanilang pangangailangan.
Sa mga nakakariwasa naman, nawa’y bahaginan natin ng konting tulong ang ating mga kababayan na apektado ni Yolanda. Hangad ng bawat isa ang muling pagbangon ng lahat ng mga lugar na binayo ni Yolanda.
Kapwa nasa Visayas ngayon sina Defense Secretary Voltaire Gazmin at Interior and Local Government Secretary Mar Roxas para pangunahan ang pagtulong sa mga apektado ng supertyphoon Yolanda.
Magkasama rin sila sa nakaraang operasyon ng pamahalaan sa Zamboanga City laban naman sa MNLF.
Sa kabila nito, usap-usapan naman na si Roxas ang nasa likod ng hangaring tanggalin si Gazmin sa kanyang pwesto. Ninanais umano ni Roxas na lider ng Liberal Party na iupo sa Department of National Defense (DND) si Transportation Secretary Joseph Emilio Abaya. Malaki na ang serbisyo ni Gazmin hindi lamang kay Pangulong Aquino, kundi sa kanyang yumaong ina na si dating pangulong Cory Aquino.
Bagamat iginiit na ng Palasyo na nananatili ang tiwala ni Aquino kay Gazmin, abangan natin kung mas malaki ba ang impluwensiya ni Roxas na sinasabing nagpapayo kay PNoy sa maraming pagkilos nito.
DA who naman itong mayor ng Metro Manila na bukod tanging hindi nagdeklara ng walang pasok sa mga paaralan noong Biyernes. Madaling araw pa lamang, paulit-ulit nang inaanunsiyo ng mga radyo at telebisyon ang listahan ng mga nagdeklara ng walang pasok at bukod tanging ang lungsod na ito ang wala sa listahan.
May palusot naman si mayor kung saka-sakali, maaari niyang sabihin na batay sa guidelines ng DepEd, otomatikong walang pasok sa elementary at high school kapag signal number 2. Ang nakakaloka lang, isa-isa nang nagpaabiso maging ang mga kolehiyo na wala na rin silang pasok pero wala pa ring narinig kay mayor.
Mag-aalas diyes na nang magdeklara nang walang pasok sa lahat ng antas si mayor. Ang siste pinadaan pa niya ito sa kanyang bise alkalde. Marami tuloy nagtatanong kung natutulog talaga si mayor sa kanyang bahay sa kanyang nasasakupan o sa kabilang lungsod pa rin siya umuuwi. Alam niyo na siguro kung sino ang tinutukoy ko.
Para sa komento, reaksyon at tanong, i-text ang TROPA, pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.