Dennis na-challenge sa rape scene nila ni Sanya sa ‘Pulang Araw’
By: Ervin Santiago
- 5 months ago
Dennis Trillo at Sanya Lopez
SIGURADONG magagalit at kamumuhian ng mga manonood ang Kapuso Drama King na si Dennis Trillo sa GMA Prime series na “Pulang Araw.”
Gumaganap si Dennis sa serye bilang isang Japanese Imperial Army Officer na si Col. Yuta Saitoh noong World War II — ang magiging kontrabida sa buhay ng mga karakter nina Alden Richards, Sanya Lopez at Barbie Forteza.
Sa trailer na ipinalabas sa naganap na solo presscon ni Dennis para sa “Pulang Araw” kahapon, talaga namang manggagalaiti ka sa kanyang mga eksena bilang Hapon na nagpahirap noon sa mga kababayan natin.
Inamin ni Dennis na bukod sa mahihirap na linyahan in Japanese and English, naging challenge rin sa kanya ang rape scene nila ni Sanya (bilang Comfort Woman) sa serye.
“‘Di ba ang pinagdusahan ng mga ninuno natin, parang ang bigat lalo na gawin, recreate ‘yung mga moment na ‘yun na talagang mabibigat, na talagang nakaapekto rin sa pagkatao ng marami,” sey ng award-winning actor.
Aniya sa rape scene nila ni Sanya, “Inire-rehearse namin, para siyang sayaw kumbaga na parang dito tayo sa simula, tapos after nu’ng dialogue lipat tayo sa ganito, sa sahig na. Tapos ganito susuntukin kita, ganu’n,” ani Dennis
Sabi pa ng husband ni Jennylyn Mercado tungkol sa kanyang kontrabida role, “Mahirap gumanap ng isang character na iba ang lahi, na iba ang pananalita niya.
“Nag-aral siya (Yuta Saitoh) sa Pilipinas pero siyempre nagsasalita siya ng tatlong lenggwahe, may Hapon, Tagalog at English.
“So, ‘yung mga accent niya siyempre iisipin mo hindi naman siya pwedeng straight mag-Tagalog, hindi naman siya pwedeng straight mag-English,” kuwento pa niya.
Nagpasalamat din si Dennis sa dalawang Filipino-Japanese actor na palagi niyang kasama sa mga eksena, yan ay sina Ryo Nagatsuka at Kenji Ishiguro.
“Maraming Japanese line na kailangang memoryahin. Sa tulong nitong dalawang to, si Ryo at Kenji, sila ang mga gumagabay kung tama ‘yong mga ginagawa naming mga linya doon. Kaya maraming salamat. Sila talaga ‘yong nakabantay doon sa mga dialogue namin,” chika pa ng Kapuso actor.
Dagdag pang pahayag ni Dennis, “Matagal ko na ‘tong hinihintay, eh. Matagal ko nang hinintay ang ganitong klaseng project, ganitong kabigat na character.
“Ngayon naman as a kontrabida. May kaunting pressure pero mas nandoon ako sa importansya sa pagkakaroon ko ng challenge bilang artist, bilang artista,” saad ni Dennis Trillo.
Kasama rin sa cast ng serye sina Rochelle Pangilinan, Ashley Ortega, Angelu De Leon, Neil Ryan Sese, with special participation of Rhian Ramos at Julie Anne San Jose.
Ang “Pulang Araw” ay napapanood sa GMA Prime, 8 p.m. pagkatapos ng “24 Oras.” Napapanood din ito sa Netflix, na mabilis nag-number one sa Top 10 TV Shows in the Philippines Today.