1st Blvck Scriptwriting Contest tagumpay, Top 10 ibinandera

1st Blvck Scriptwriting Contest tagumpay, Top 10 ibinandera

Engineer Louie at Grace Cristobal kasama si Mon Confiado at ang Top 10 finalist sa 1st Blvck Scriptwriting Contest

NAHIRAPAN pero nag-enjoy ang The EDDYS Best Supporting Actor na si Mon Confiado bilang hurado sa Blvck Scriptwriting Contest 2024.

Nakausap ng BANDERA si Mon sa naganap na announcement at awards night para sa napiling Top 10 script kung saan inamin nga niya na hindi naging madali ang proseso para sa kauna-unahang Blvck Scriptwriting Contest.

Ito’y bahagi pa rin ng adbokasiya ng Blvck Entertainment na pag-aari nina Engineer Louie at Grace Cristobal na makatulong sa muling pagbangon ng movie industry.

Baka Bet Mo: Mon Confiado 11 years nang walang dyowa: Tinanggap ko nang matandang binata na ako…

Umabot sa 150 script ang natanggap ng Blvck Entertainment at sabi nga ni Mon, “Kakaibang experience ito pero hindi ko first time na mag-judge though malaki ito, bigger scope.

“Medyo napagod kami sa pagbabasa na kailangan mong gawin otherwise parang ‘yung judging mo walang basehan.


“Natapos ko talagang basahin lahat kasi excited ako pero noong una hindi ko pa alam masyado ang rule pero kahit ang treatment ay stage play tinatapos ko, kaya lang madi-disqualify, kasi nga hindi iyon ang hinahanap, sayang,” ani Mon.

Samantala, puring-puri ng mga members ng entertainment media ang ibinibigay na pagpapahalaga ng mag-asawang Engineer Louie at Grace Cristobal sa mga scriptwriter.

Isa sa mga plano ng Blvck Entertainment at Blvck Films ay ang pagpo-produce ng mga pelikula this year at sa susunod pang mga taon kaya naisipan nilang magsagawa ng scriptwriting contest.

Sa tulong ni direk Roman Perez, Jr. na kinomisyon bilang Project Creative Director, naisakatuparan ang Blvck Entertainment Scriptwriting Contest.

Baka Bet Mo: Bagong P-pop group na Blvck Ace palaban, walang inuurungan; sumabak sa matinding training

Ang kompetisyon ay naglalayon na magbigay ng isang bagong paraan para patuloy na magbigay ng inspirasyon sa lahat ng naghahangad at propesyonal na mga manunulat na lumikha ng higit pang mga kuwento para sa mainstream na Philippine cinema o digital streaming content.

Sabi ni Engr. Louie, kinausap sila ni direk Roman para sa proyektong ito at nakita niya ang pagpapahalagang gustong ibigay ng direktor sa mga scriptwriter.

“Noong na-present sa amin ng asawa ko ang idea at concept, nagandahan ako tapos tinanong ko ano gagawin natin sa mapipiling top 10 scripts.

“Sabi nila i-produce na daw namin as movies and ‘yan ang plano namin ngayon na sana mai-produce namin ang sampung scripts na yan para maging pelikula,” ani Engr. Louie, ang president and chief executive officer ng Blvck Entertainment.

Layunin din nito na hikayatin ang mga batang manunulat ng senaryo na ituloy ang kanilang mga pangarap na maging isang filmmaker sa pamamagitan ng mga kwentong kanilang nilikha. Layunin din ng patimpalak na linangin ang mga kuwentong sumasalamin sa umuunlad na kulturang Filipino.


Nakuha ni Mario M. Banzon ang 1st place para sa kanyang entry na “Tres Marias”; Joseph Abello, 2nd place sa entry niyang “Chester’s Eight Birthday Party”; at si Dustin Celestino, 3rd placer para sa “Supremo”.

Ayon sa Blvck Entertainment bukod sa P100,000 na premyo, ipo-produce nila ang “Tres Marias” sa ilalim ng Blvck Films.

Nakakuha ang 2nd Placer ng P50,000 at ang 3rd Placer naman ay P30,000. Ang pitong nakasama sa Top 10 ay nabigyan din ng tig-P10,000 bilang consolation prizes.

Pasok sa Top 10 finalists sina Joseph Abello (Chester’s Eight Birthday Party); Gian Arre (Habang Tulog Ang Mundo); James Ambito (Memories of the Forgotten); Mario Banzon (Tres Marias); Ronald Batallones (Mento); Nash Casiño (Drifters of Britannia); Dustin Celestino (Supremo); Paul Singh Cudail (Huling Korona); Kristofer Ted Navarro (Grrrbage); at Abet Pagdagdagan Raz (Little Miss Hope).

Ang panel of judges ay binubuo nina Erick Castro, Mon Confiado, Zig Dulay, John Carlo Pacala, Roman Perez, Jr., Ronald Rios, at Raffy Tejada.

Sa kabilang banda ipinangako naman ni Engr. Grace na ipagpapatuloy ng Blvck Entertainment ang contest na ito taon-taon. Ilan sa kanilang ka-collab sa project na ito ay ang sumusunod: Alkaviva Waters Philippines, GLC Infinite Waters International, Grace Electronics Philippines, Blue Green Dragon Marketing, LG Realty Development at Blvck Creatives Studio.

Read more...