NOBITA may handog na kanta para sa kasal nina Cong TV, Viy Cortez

NOBITA may handog na kanta para sa kasal nina Cong TV, Viy Cortez

PHOTO: Courtesy of Sony Music

NAGHANDOG ng kanta ang Filipino pop-rock band na Nobita para sa sikat na vlogger-couple na sina Cong TV at Viy Cortez.

Ito ang bagong single na “Gitna” na nagsilbing wedding gift ng banda para sa kanilang kaibigan at mag-asawa.

Ayon sa Nobita, kinanta na nila ito mismo sa araw ng kasal ng dalawa na ginanap last month bilang surprise gift nila, pero ngayon lamang nila ito opisyal na ini-release sa publiko.

“When we wrote the track, we thought of a scenario where Viy was walking down the aisle, and Cong was patiently waiting, trying to make sense of his feelings at that moment,” sey ng banda sa isang pahayag.

Dagdag nila, “We want to capture the buildup of excitement and anticipation, but most of all, the journey leading to the romantic milestone.”

Baka Bet Mo: SB19, Nobita ginawan ng sariling version ang ilang ‘classics’ ng Eraserheads

Inamin din ng grupo na ilang taon na nilang nasaksihan ang love story ng dalawa at ito ang naging inspirasyon para sa bagong single.

“Their love isn’t perfect by all means, but we’ve witnessed through the years how they’ve managed to work their differences together and make room for adjustments and compromise to reach this far. This prompted us to compose a song that perfectly fits the narrative,” anila.

Ang Nobita ay binubuo ng limang miyembro na sina Jaeson Felismino (vocals, acoustic guitar), Sam Aquino (lead guitar), Mark Quintero (bass), Richmond Bancolita (keyboards), at Jonathan Agbanlog (drums).

Matatandaan noong 2022 nang gumawa sila ng kasaysayan dahil sa kantang “Ikaw Lang” na naging “most streamed OPM song.”

Ang “Gitna” ng Nobita ay mapapakinggan na sa lahat ng digital music platforms worldwide via Sony Music Entertainment.

Read more...