Folk singer Coritha baldado matapos ma-stroke, ‘di iniwan ng partner
By: Reggee Bonoan
- 5 months ago
Coritha | Photo from Facebook, Julius Babao YouTube ‘UNPLUGGED’
ANG sakit sa pakiramdam habang pinapanood namin ang panayam ni Julius Babao kay Luisito o Chito Santos, ang partner ng OPM icon na si Coritha.
Nakilala si Coritha sa mga classic OPM hits na “Oras Na”, “Lolo Jose”, “Sierra Madre”, “Gising Na O Kuya Ko” at marami pang iba.
Siya ay bedridden na ngayon at hindi nakapagsasalita matapos na-stroke ilang taon na ngayon ang nakararaan.
Isa rin siguro sa dahilan kung bakit na-stroke si Coritha ay sa dahilang ang minana niyang bahay sa ina sa Sacred Heart, Quezon City ay nasunog noong 2018 at ni isang gamit ay wala siyang naisalba.
Hindi iniwan ni Coritha ang bahay nila kahit sunog na dahil doon siya natutulog gamit ang folding bed kahit walang kuryente pero may tubig naman base sa kuwento ni Chito.
Ayaw daw iwan ni Coritha ang lugar dahil ang lupang kinatitirikan ng nasunog na bahay ay gustong ibenta ng nag-iisang kapatid na sa kalaunan ay nangyari rin.
Dahil sa awa ay iniuwi na ni Chito ang babaeng hiniling niya sa Diyos na makasama sa buhay sa Tagaytay kung saan siya nakatira at malakas pa noon si Coritha dahil nakakapag-motor pa.
Masayahin din ang OPM legent at may mga pagkakataon pa na pinatatawag niya ang mga bata sa kapitbahay at magpapabili ng pagkain pagkatapos niyang mag-mini-concert.
“Nagkaroon ng mild stroke, kinain ‘yung dalawang guyabanong malaki pagdating ng madaling araw, sabi niya, ‘To nawiwiwi ako (tapos) pagka-ihi niya, nawalan na siya ng laban (lakas) tinakbo ko na sa hospital,” kuwento ni Chito sa “Unplugged” vlog ni Julius sa YouTube.
Emosyonal pang sabi ni Chito, “Mabuti mayroon kaming kapirasong lugar (maliit na bahay sa gitna ng maraming halamanan).”
Ipinakita sa video na nakahiga si Coritha at may nakalagay sa ilong na plastic tube na hindi makagalaw pero nakikita ang mga mata na nagre-react siya.
“Ayos naman siya hindi lang nakakapagsalita pero ‘yung pakiramdam niya matalas,” sambit ni Chito.
Kapag may gustong gawin si Coritha ay, “Pinapakiramdaman ko kung ano ‘yung kailangan niya kapag nawiwiwi, sigaw nang sigaw (tinig lang walang salita) pag basa ang diaper, ganu’n siya lagi.
“Naiintindihan niya kapag nag-uusap tayo (kahit sinong kausap) minsan bigla na lang umiiyak (nakita sa video) kapag naririnig niya ang mga malulungkot na kanta sa TV, yung kanta niya bigla na lang nag-iiyak,” sabi ni Chito.
Ang sanhi ng stroke ng sikat na mang-aawit noong dekada 70 hanggang 90 ay dahil sa diabetis na na-detect noong kinain niya ang dalawang malaking guyabano.
“Nu’ng dinala ko sa ospital at nu’ng makita ‘yung CT scan marami na pala siyang atake na hindi lang napapansin,” say ng partner ni Coritha.
Gustong operahan si Coritha pero tumanggi si Chito, “Hindi ako pumayag na operahan siya, sabi ko kausapin ko muna ‘yung kapatid kong doktora kasi wala akong alam diyan. Gusto nila lagyan ng tubo ayaw ng kapatid ko, sabi ‘kuya walang kasiguruhan ‘yan.’
“Mauubos pera mo at mahihirapan si Coritha kaya kung kaya mong iuwi na walang oxygen, iuwi ko na lang. Inuwi ko nu’ng nakita kong medyo okay-okay na at dito sa bahay ko na lang alagaan.
“Kaya dito (Tagaytay) ko dinala tapos nag-normal naman kasi wala na siyang oxygen kasi nu’ng inuwi ko dito naka-oxygen pa.
“Tapos sabi sa akin kung kaya kong tiisin, pababayaan lang siya matutulog na lang at hindi na gigising, e, ayaw ko (umiling) hindi ako pumayag,” emosyonal na kuwento ni Chito.
Sabi pa raw ni Chito kay Coritha ay mauna na siya kung hindi na kaya at okay lang na maiwan siyang mag-isa pero umiiling daw ang babaeng pinakamamahal na ibig sabihin ay gusto nitong magkasama pa sila.
Okay naman daw ang paghinga ni Coritha, “Minsan tawa nang tawa kasi naglalakad ako napatid ako tawa siya nang tawa. Malakas ang pakiramdam, ‘yun lang ‘yung memory nabawasan.”
Nabanggit din na anuman ang mangyari kay Coritha na kung hindi siya kukunin ng kaanak niya ay sa museleo sa Malabon daw ito dadalhin ni Chito o kaya sa probinsya nila sa Bikol.
Aminadong hindi naman sila sumasala sa pagkain dahil may mga nagpapadala, nahihirapan lang si Chito sa mga personal na pangangailangan ni Coritha tulad ng mga gamot, diaper at gatas na P2,000 kada 4 days.
Nabanggit din na may mga royalties na dapat matanggap pa si Cortiha sa Alpha Records pero hindi naman daw naibibigay pa kaya nanawagan siyang sana makuha na para pambili ng gatas.
Natanong ni Julius kung saan napunta ang perang napagbilhan ng lupang dating tinitirikan ng bahay nina Coritha, “Wala, nasa kapatid hindi naman nagbigay, bipolar ‘yun, eh,” kaswal na sagot ni Chito.
Naikuwento rin sa vlog na hindi nakapag-asawa si Coritha at walang may alam kung nagkaroon ng karelasyon dahil masyado raw itong malihim sabi ni Chito na after 30 years na muli niyang nakita ang babaeng nasa puso niya.
“Nu’ng ibinalitang nasunugan siya, doon ko lang hinanap, 30 years after. Kasi una kaming nagkita nu’ng tinulungan ko siyang makapag-concert, tapos no’n wala na kasi sumikat na siya, nagkapangalan na kaya naisip ko ang layo na (agwat).
“Pero hiniling ko siya sa Diyos, e, kaso sumikat nang husto, paano pa kami magkikita, e, heto nagkita na ulit,” balik-tanaw ni Chito.
At ngayong baldado at hindi na nakapagsasalita si Coritha ay nangako si Chito na kahit anong mangyari ay hindi niya iiwan ang babaeng hiniling niyang makasama sa buhay.
Sa mga gustong tumulong kay Coritha ay makikita sa vlog ni Julius Babao ang mga detalye.
Sana gumaling si Coritha at marinig pang muli ang magaganda nitong awitin para makilala rin siya ng mga Gen Z.