MALIBAN dito sa Pilipinas, in-demand din pala umano ang TV host-actor na si Ryan Bang pagdating sa Korean projects.
Ito ang ibinunyag niya mismo nang makachikahan ng content creator na si Sandra Jung sa kanyang YouTube page.
Tanong sa kanya ni Sandra, “Nag-trend ka ba talaga sa Korea before?”
Ang sagot ni Ryan, “Ang dami ding nag-offer, kumukuha sakin. ’Yung huling drama dito…Dapat kasama ako doon eh.”
Usisa naman ng vlogger kung bakit hindi niya ito kinukuha o tinatanggap.
Ayon kay Ryan, namimili kasi siya ng mga proyekto kung saan ang nais niyang kabilangan ay ‘yung may magandang image ng ating bansa.
Baka Bet Mo: Ryan Bang tinuruan ng ‘tambay starter pack’ ni Herlene Budol: Gusto ko pag-ibig
“Gusto ko kapag ipapalabas sa Korea ang tungkol sa Pilipinas, maganda image. Mag-yes ako. Pero [kung] ‘yung story hindi maganda ‘yung tungkol sa Pilipinas, hindi ako nagye-yes kahit magandang opportunity,” paliwanag niya.
Sabi ng “It’s Showtime” host, isa rin ito sa kanyang paraan upang makabawi sa natatanggap niyang pagmamahal at suporta mula sa madlang pipol.
At speaking of “giving back,” ito pa rin ang gusto ni Ryan nang tinanong siya ng YouTuber pagdating sa kanyang mga pangarap.
Ang sabi niya, nais niyang makapagbigay ng maraming trabaho at edukasyon sa maraming Pilipino.
“Ang pangarap ko talaga ngayon, gusto ko maraming Pilipino ang may trabaho dahil sakin,” wika niya.
Dagdag pa ng aktor, “[Then] in the future, gusto kong magtayo ng maraming school na para mag-aral silang mabuti.”
“Kasi ‘yun ‘yung secret key [para sakin] para maging number one ulit ang Pilipinas sa buong Asia. Siguro ‘yun ‘yung wish ko, pinagpe-pray ko, ‘yung education,” saad ni Ryan.
Aniya pa, “Baka matagal pa ‘yun, ang hirap kasi maging successful, sobrang hirap.”
Kung matatandaan, taong 2010 nang unang sumikat si Ryan matapos sumali sa reality show na “Pinoy Big Brother: Teen Clash” kung saan siya ang itinanghal na first runner-up habang ang big winner ay si James Reid.
Kasunod niyan ay naging guest judge siya sa noontime show na “It’s Showtime” at naging regular host simula 2012 hanggang ngayon.