Robert Downey, Jr. balik-Marvel, bibida bilang si ‘Doctor Doom’

Robert Downey, Jr. balik-Marvel, bibida bilang si ‘Doctor Doom’

PHOTO: Instagram/@marvelstudios

MAGBABALIK sa Marvel Cinematic Universe (MCU) ang Hollywood actor na si Robert Downey Jr makalipas ang limang taon!

Ngunit hindi bilang ang iconic superhero na si Iron Man, kundi bilang ang kontrabidang si Dr. Victor Von Doom o mas kilala na “Doctor Doom.”

Ang pasabog na balita na ‘yan ay ibinunyag sa naganap na Comic Con sa San Diego, California kamakailan lang.

Sa video ng Marvel Studios, mapapanood na ipinakilala muna ang bagong karakter na bibigyang-buhay at biglang naglakad sa gitna ng stage ang isang lalaki na nakasuot ng mask.

Baka Bet Mo: Iconic villain ng Marvel ginawan ng sariling pelikula, ibibida ang kwento ng ‘Kraven the Hunter’ bago naging kontrabida

Makikita na tila na-curious ang audience, pero nang tinanggal na nito ang maskara ay bigla silang nagsigawan nang makita si Robert.

“New mask, same task. What did I tell you? I like playing complicated characters,” sey ng sikat na aktor.

Dalawang pelikula ang gagawin ni Robert bilang si Doctor Doom –ang “Avengers: Doomsday” na ipapalabas sa May 2026 at ang “Secret Wars” sa 2027.

Kung matatandaan, ang unang pelikula ni Iron Man ay ipinalabas noong 2008.

Taong 2019 naman nang huli itong bumida sa pelikulang “Avengers: Endgame.”

Para sa taong 2025, sinabi ng Marvel na tatlong pelikula ang nakatakdang i-release sa big screen.

Ito ang “Captain America: Brave New World,” “Thunderbolts,” at ang “The Fantastic 4: First Steps.”

Sa kasalukuyan, showing na ang pelikulang “Deadpool & Wolverine” na pinagbibidahan nina Ryan Reynolds at Hugh Jackman.

Read more...