ISINAILALIM na sa state of calamity ang buong National Capital Region dahil sa malawakang pagbaha dulot ng tuluy-tuloy na pagbuhos ng ulan nitong nagdaang dalawang araw.
Ito’y matapos matanggap ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang rekomendasyon ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos na isailalim na sa state of calamity ang NCR.
Lubog na sa tubig-baha ang maraming lugar sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila dahil sa bagyong Carina na sinabayan pa ng habagat.
Baka Bet Mo: Trabaho sa gobyerno, klase sa NCR suspendido dahil kay ‘Carina’
Base sa ulat, ilang residente na ang pinayuhang pansamantala munang lisanin ang kanilang mga tahanan at magtungo na sa mga evacuation centers, lalo na yung mga nasa mabababang lugar.
Sa isang ambush interview kay Pangulong Bongbong sa Camp Aguinaldo, sinabi nitong mga lokal na opisyal ang nagtatakda ng state of calamity kaya ipauubaya na niya sa mga Metro Mayor ang pagdedesisyon.
Nagpulong na ang Metro Manila mayors sa pangunguna ni San Juan Mayor Francis Zamora at Secretary Abalos para pag-usapan ang pagdedeklara ng state of calamity sa buong NCR.
At matapos nga ang kanilang pagpupulong, naglabas na ng resolusyon ang Metro Manila Council na isailalim na ang buong NCR region sa state of calamity.
Baka Bet Mo: Cavite nagdeklara ng ‘state of calamity’ dahil sa ‘pertussis outbreak’
“Usually ang state of calamity is the LGU executives. Kapag three regions ang involved, then already the national has to come in. That’s a national calamity already. It’s up to the local communities to decide because they know best, what they need,” pahayag ng Pangulo.
Ayon pa kay PPBBM, ang pagdedeklara ng state of calamity ay para rin makakuha ng pondo ang LGUs mula sa national government.
Dumalo ang Pangulo sa situation briefing ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na inireport ng iba’t bang ahensiya ng pamahalaan hinggil sa pananalasa ng bagyong Carina.
Kasunod nito, inatasan din ni PBBM ang Department of Social Welfare and Development at Department of Public works and Highways na tutukan ang mga lugar na lubog na sa baha.
“Sinabihan ko lang sila mag-focus mabuti sa mga areas na hanggang sa ngayon ay hindi pa nation mapasok so yun ang magiging next priority na gagawin ng DSWD Pati na public works,” ayon pa sa Pangulo.