PAGASA may binabantayang 2 bagyo; uulan dahil sa Habagat

PAGASA may binabantayang 2 bagyo; uulan dahil sa Habagat

PHOTO: Facebook/Dost_pagasa

NAGING bagyo na ang binabantayang Low Pressure Area (LPA) malapit sa bansa.

Ito ang ibinalita mismo ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ngayong umaga, July 15, sa isang press briefing na ibinandera sa social media.

Ang bagyo ay huling namataan 1,100 kilometers sa kanluran ng Central Luzon.

Ang lakas na hangin nito ay 45 kilometers per hour at bugsong aabot sa 55 kilometers per hour.

Kasalukuyan din itong kumikilos pa-kanluran sa bilis na 25 kilometers per hour.

Baka Bet Mo: PAGASA opisyal nang idineklara ang ‘rainy season’

“Walang epekto itong bagyong ito na nasa labas ng Philippine Area of Responsibility, [pero] patuloy na paiigtingin nito ‘yung Habagat na siyang magdadala ng pag-ulan, lalong-lalo na dito sa may kanlurang bahagi ng Luzon partikular na nga dito sa may bahagi ng Palawan at Mindoro area,” paliwanag ni Weather Specialist Obet Badrina.

Sey pa niya, “Kaya inaasahan pa rin natin ang malaking tyansa ng mga pag-ulan dito sa may area ng Palawan, ng Mindoro, Western Visayas, kasama din sa malaking bahagi ng Mindanao.”

Nabanggit din ng PAGASA na may mino-monitor silang kumpol na kaulapan o ‘yung tinatawag na “cloud clusters” na nasa bahagi ng Mindanao.

Ayon sa latest update kaninang 8:00 a.m., ito ay naging LPA na at posibleng maging bagyo sa mga susunod na araw.

Naunang sinabi ni Badrina sa dating cloud clusters na, “Inaasahang lalapit ito sa Visayas at sa Mindanao kaya posibleng simula bukas (July 16) at Miyerkules (July 17), malaki ang tyansa na magtuloy-tuloy ang mga pag-ulan partikular na sa may bahagi ng Visayas, Mindanao, kasama din ‘yung area ng Southern Luzon.”

Samantala, base sa rain forecast ng weather bureau para sa araw na ito, July 15, asahan ang kalat-kalat na pag-ulan sa Mindanao, Western Visayas, Palawan at Occidental Mindoro.

Uulanin din daw ang Metro Manila, ang nalalabing bahagi ng MIMAROPA, Batangas, Cavite, Laguna, at Bataan.

Ang sanhi niyan ay dahil pa rin sa epekto ng Habagat.

Read more...