Napoles: Denial Queen
ITINANGGI ni Janet Lim- Napoles na mayroon siyang naibulsang bilyun-bilyong piso mula sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) o “pork barrel” ng mga mambabatas.
“Wala po,” giit ni Napoles nang tanungin hinggil dito ni Senate Majority Leader Alan Peter Cayetano sa pagdinig ng Senate blue ribbon committee kaugnay ng P10 bilyong anomalya.
Nang muling kuwestiyunin ni Cayetano, habang nagpapakita ng mga dokumento kung saan may pirma pa umano siya, kung nagkaroon siya ng transaksyong may kaugnayan sa PDAF simula nang maging negosyante siya ay tumanggi nang sumagot si Napoles.
Aniya, nakasampa na ang kasong plunder laban sa kanya sa Office of the Ombudsman. Bilang sagot din sa iba pang tanong ni Cayetano, itinanggi ni Napoles na kilala niya si dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.
Idinenay din ni Napoles, ang umano’y utak sa P10 bilyon na pork barrel scam, na lumikha siya ng 21 foundations kung saan inilagay niya ang pork barrel fund ng mga mambabatas.
Todo-tanggi rin si Napoles na nakipagnegosasyon siya sa mga senador at congressman na isinabit sa anomalya. “Nakakaawa nga po ‘yung mga senador at mga congressmen na nada-drag ang pangalan nila,” aniya.
Makaraan niyang bitawan ang pagtanggi ay tinawag naman siyang sinungaling ng whistleblower na si Benhuy Luy. “Sir, nagsisinungaling po siya. Totoo po ‘yun,” giit ni Luy.
Kalaunan ay inamin ni Napoles na nagtayo siya ng isang grupo, ang “Magdalena Luy-Lim Foundation.” Makaraan ang kanyang paulit-ulit na pagde-deny, tinanong siya ni Guingona kung ano ang totoo.
“Hindi ko po alam sa kanila,” dagdag ni Napoles. Maliban kay Luy, dumating din sa pagdinig ang iba pang saksi ng prosekusyon na sina Gertudes Luy, Marina Sula, Merlina Suñas, Simonette Briones, at Mary Arlene Baltazar.
Hindi naman nagtanong ni Senador JV Estrada dahil aniya ay wala rin naman umanong isasagot na iba si Napoles. Nang tanungin ni Senadora Grace Poe ay wala ring isinagot si Napoles, kahit na sa tanong na “nagsisisi ba siya sa kanyang mga ginawa o may pinagsisishan ba siya sa kanyang mga nagawa?”
Dahil dito ay sinabi ni Poe na “hindi siguro siya nagsisisi.” Hindi rin nagtangkang magtanong kay Napoles si Senadora Cynthia Villar.
( Photo credit to INS )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.