INARESTO sa Davao City ang isa sa kapwa-akusado na sangkot sa mga kasong human trafficking at child abuse na isinampa laban sa Kingdom of Jesus Christ founder na si Apollo Quiboloy.
Si Paulene Canada ay dinampot sa kanyang bahay sa Buhangin district pasado ala-una ng hapon nitong Huwebes, July 11.
Ang balita na ‘yan ay kinumpirma mismo ng abogado ng pastor na si Israelito Torreon.
Ayon sa legal counsel, nakunan sa pamamagitan ng video ang pag-aresto, ngunit nang tawagan niya nang dalawang beses ang police regional director na si Police Brig. General Nicolas Torre ay hindi naman ito sumasagot sa kanya.
Nabanggit din ni Torreon na nag-log in siya sa visitor’s slip ng Camp Catitipan bandang 3:05 p.m. upang tanungin na rin ang tungkol sa nangyaring pag-aresto, pero ang sagot daw sa kanya ay “fake news” daw ito.
Baka Bet Mo: Babala ni Quiboloy sa mga bumabanat sa kanya: Makikita n’yo ang mas matindi pa sa Omicron virus
“We sent a demand letter at 7:32 p.m. and still there was no reply,” sey ng lawyer sa INQUIRER via phone.
Dagdag niya, “It was only after we conducted a press conference and informed them that their act was a violation of Republic Act 7438 also known as an Act defining certain rights of persons arrested, that a news item came out saying that Ma’am Paulene is at the Buhangin police station,” dagdag niya.
Noong July 8, nag-alok si Interior Secretary Benjamin Abalos Jr. ng P10 million na pabuya para sa sinumang makakapagbigay ng impormasyon na hahantong sa pagkakadakip kay Quiboloy.
Bukod diyan, bibigyan din ng tig-P1 million reward para naman sa magbibigay ng impormasyon sa limang co-accused na nauugnay sa religious sect ni Quiboloy.
Bukod kay Canada, kapwa-akusado rin sina Cresente Canada, Ingrid Canada, Sylvia Cemañes, at Jackielyn Roy.
Kamakailan lang, nakapagpiyansa na ang lima para sa kasong child abuse na isinampa sa kanila at kay Quiboloy sa korte ng Davao City.
Hanggang ngayon ay pinaghahanap ng mga awtoridad, pati na rin ng Federal Bureau of Investigation (FBI) si Quiboloy.