PINAYUHAN ni Gladys Reyes ang lahat ng misis na huwag pa ring kalimutan ang sarili kahit na super busy sa pag-aasikaso sa asawa’t mga anak.
Naniniwala ang 7th EDDYS Best Supporting Actress (para sa Apag) na mahalaga pa ring mag-ayos ang mga wifey at nanay para hindi lang para kay mister kundi para na rin sa sarili.
Sabi ni Gladys, napakaimportante pa rin ng “intimacy” sa mga mag-asawa at isa raw iyan sa mga sikreto sa pagsasama nila ng kanyang mister na si Christopher Roxas as married couple.
Mahigit 20 years nang kasal sina Gladys at Christopher at hanggang ngayon ay napanatili pa rin nila ang init sa kanilang relasyon at kilig sa isa’t isa.
Sa guesting ng mag-asawa sa “Fast Talk with Boy Abunda” kahapon, natanong sila kung tama bang si mister pa rin ang kailangang “mangalabit” kapag gusto nilang maglabing-labing.
Baka Bet Mo: Gladys di keri pag nagloko si mister: Kawalang respeto yun sa pagkababae ko
“E, ‘di ba first boyfriend ko siya, tapos siya na ‘yung naging asawa ko. Siyempre noong una nahihiya ka pa, antay-antay ka lang,” ani Gladys.
Pero nang tumagal na raw ay siya na ang nangangalabit paminsan-minsan, “Siyempre 31 years na. Ako na rin minsan,” natatawang sabi ni Gladys. “Bakit naman hindi, asawa ko na ‘yan eh. First and last ko nga eh, bakit mahihiya pa ako?”
Dagdag pa niyang chika, “Intimacy, napaka-importante sa pagsasama ng isang mag-asawa. Kailangang nandu’n pa rin ‘yung, kinikilig ka talaga, andoon ‘yung nae-excite ka pa rin talaga. Importante po talaga ‘yun.”
Hirit pa ng premyadong aktres, kailangan din daw mag-aayos ang mga misis para sa kanilang asawa, “As simple as, kung lagi kang komportable na nakapambahay ka, butas-butas ang pambahay mo, kapag pauwi naman ‘yung asawa mo, medyo magpalit ka naman.
“Hindi naman kailangang mahal, pero something na medyo, hindi pantulog, panggising,” natatawang sabi ni Gladys.
Samantala, nabanggit din ng mag-asawa na tinatrabaho rin talaga dapat ni misis at ni mister para tumagal ang pagsasama.
“For me, alam lang namin ‘yung gusto namin sa buhay, gusto namin sa pagsasama namin. Tinitingnan lang namin parati ‘yung maganda,” sey ni Christopher.
Feeling naman ni Gladys, isa pa sa sikreto ng kanilang maayos na pagsasama ay ang kanilang pananampalataya – pareho silang Iglesia ni Cristo.
“Prayers, patience, partnership. And to also respect each other’s individuality,” sey ni Gladys.
Ikinasal sina Gladys at Christopher noong Enero 23, 2004. Biniyayaan sila ng apat na anak – sina Gian-Christopher, Gianna Aquisha, Grant-Carlin at Gavin-Cale.