GUSTONG makipagkita at makausap ng SB19 member na si Stell ang volleyball athlete na si Sisi Rondina.
Ito ay sa gitna ng mga pambabatikos at pamba-bash ng ilang SB19 fans kay Sisi matapos amining hindi niya kilala ang sikat na Pinoy pop boy group.
“Gusto ko sanang mag-apologize sa kanya ng personal sa nangyari. Mag-meet man lang at mag-sorry lang,” sey ni Stell sa naging interview niya with ABS-CBN News.
Paliwanag niya, “Nagsalita lang kami kasi feeling namin out of hand na siya, lumalaki na siya.”
Iginiit din ni Stell na hindi nila kinukunsinti ang mga masasakit na salita laban sa ibang tao.
“Hindi ako na-offend. Kung ako ‘yun– ipapakilala ko pa nga, ‘ay sila po yung SB19’, sana ganun na lang,” sambit niya sa panayam.
Dagdag pa main vocalist at main choreographer/dancer, “Ayaw po namin talaga, especially po sa fandom po namin, ayaw po namin na may ginagawa silang mga bagay na at the end of the day, sila lang din ‘yung maapektuhan. Kung sila ayaw nilang naaapektuhan kami, kami rin naman ayaw naming naapektuhan sila. Alam mo ‘yung sa family, ipagtatanggol niyo ang isa’t-isa.”
“Siyempre papakinggan natin both sides, pero baka kasi ‘yun ‘yung burst of emotions niya. Pero ang hindi ko ito-tolerate is yung nag-message pa siya, kasi sabi niya nag-message pa siya, minessage niya ‘yung tao. Feeling ko ang mali lang talaga is nagbato agad ng galit doon sa tao,” pagbabahagi pa niya.
Ayon pa kay Stell, isa itong aral hindi lang para sa kanila kundi pati na rin sa fans.
“Sana natuto yung taong involved,” aniya.
Magugunitang naging usap-usapan si Sisi matapos ichika sa Instagram Live ang nangyari sa nagdaang Independence Program sa South Korea.
Kwento niya, tinanong siya kung ano ang pinakainaabangan niya sa event at may sumigaw raw ng pangalan ng SB19, ngunit sa kasamaang palad ay hindi niya kilala ang grupo.
“Ay, hindi ko kilala ‘yon, Starbucks lang alam ko,” lahad ni Sisi.
Dahil diyan, tila nanggigil ang SB19 fans at kinuyog na ng pamba-bash ang volleyball player.
Agad namang nag-reach out si Sisi sa mga na-offend at sinabing hindi talaga niya kilala ang grupo.
“So ayun, ang daming na-offend. Sorry po talaga. I’m really sorry,” sinserong sabi ng national athlete.
Nakarating ang naging isyu sa sikat na boy group at naglabas din sila ng statement upang pagsabihan ang fans na tigilan ang pamba-bash kay Sisi.
“I personally don’t tolerate this kind of behavior. Stop this,” post ni Stell sa X (dating Twitter).
Sabi naman ng lider ng grupo na si Pablo, “Respect and acknowledge na hindi lahat ng tao, aware or kilala ang grupo namin. Hindi sa lahat ng oras, everyone will hold a favorable opinion of us. THAT’S FINE! There’s no reason to spread hate, disrespect or drag down our fellow Filipinos.”