PUMANAW na ang batikan at premyadong direktor at producer na si Carlo J. Caparas nitong Sabado ng gabi, May 25. Siya ay 80 years old.
Kinumpirma ng naulilang pamilya ni Direk Carlo ang malungkot na balita sa pamamagitan ng social media ngunit walang nabanggit kung ano ang naging sanhi ng kanyang pagkamatay.
Sa Facebook account ng anak ni Direk Carlo na si Peachy, nag-post ito ng kanyang pamamaalam sa ama sa pamamagitan ng isang tula.
Ito ay may titulong “SA BAWAT TIPA NG MAKINILYA…an ode to Direk Carlo J.” Narito ang kabuuan ng kanyang FB message.
“Halos umaga na, sa libliban ng Ugong
isang makinilya, pilitang binabasag ang katahimikan roon.
Baka Bet Mo: Ogie Alcasid nagluluksa sa pagpanaw ng talent manager na si Leo Dominguez
“Isang mananalaysay ng kwento ng buhay, nilalabanan ang antok, nagsusunog ng kilay.
“Sa kanyang taglay na brilyo mga obra maestrang nobela kanyang nabuo.
Panday, Pieta, Elias Paniki, Bakekang, Totoy Bato ang ilan lamang sa mga ito.
“Sa larangan ng komiks siya ang naghari, naging bahagi ng kultura, naging yaman ng lahi.
“Umabot sa lona ng pinilakang tabing, hinangaan, pinalakpakan ng bayang magiting.
“Subalit buhay ay sadyang may wakas…
‘Pack up na Direk.’ Oras na ng uwian.
Hayaang kasaysayan ang humusga sa iyong mga obra.
“Salamat Direk Carlo J. sa mga dibuho at istorya.
“Mga istoryang nabuo sa bawat tipa ng iyong makinilya…
“Carlo J. Caparas,
“1944 – 2024.
“Dad, you will forever be loved, cherished, and honored…by all of us.
“Love,
“The children of a King.”
Bukod sa pagiging direktor at producer, unang nakilala si Carlo J. Caparas sa kanyang mga obra sa komiks, kabilang na ang kanyang mga nilikhang Filipino superhero at classic characters tulad nina Panday, Bakekang, Totoy Bato at Tuklaw.
Ang huling pelikulang ginawa ng namayapang direktor ay ang “Kamandag ng Droga” na tumatalakay sa problema ng Pilipinas sa ilegal na droga, partikular na sa panunungkulan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa pamilya ni Direk Carlo, magsisimula ang burol sa Lunes, May 27, 2024, from 12 noon to 12 midnight sa Golden Haven Memorial Chapels and Crematorium, Villar Sipag, C5 Extension Road, Brgy. Manuyo Dos, Las Piñas.