PARA sa Kapamilya singer-actor na si Darren Espanto, maituturing daw niya ang kanyang sarili bilang isang “good kisser.”
Naloka at super clap ang Phenomenal Box-Office Star na si Vice Ganda sa mga naging rebelasyon ni Darren nang mag-bonding silang dalawa together recently.
Nag-collab ang dalawang “It’s Showtime” host sa latest vlog ni Vice na “JEEPpool karaoke with Meme and Darren” kung saan napag-usapan nila ang ilang kaganapan sa personal nilang buhay.
Sa naturang vlog, pasundut-sundot na tinatanong ni Vice si Darren habang nagkakaraoke sila sa loob ng isang pampasaherong jeep.
Baka Bet Mo: Kathryn super successful na sa edad 25; planong b-day celebration ‘di natupad, pero…
At isa nga sa mga mga nausisa ng TV host-comedian kay Darren ay kung magaling ba siyang humalik. Hirit na sagot ng binata, “Wala pa naman akong na-disappoint!”
Dito na nga napatili si Vice sabay palakpak nang bonggang-bongga dahil sa sagot ni Darren.
Inamin din ni Darren nagkaroon siya ng mga karelasyon noon na walang label. Katwiran ng aktor at singer, hindi naman daw kasi tinatanong ang girl kung sila na.
Once na na-feel daw niyang gusto niya ang babae at type rin siya, ina-assume niyang magdyowa na sila.
Isa raw sa mga ex-girlfriend niya ay kaibigan pa rin daw niya until now. Marami naman ang nagkomento na mukhang si Cassy Legaspi ang kanyang tinutukoy.
Baka Bet Mo: Darren umiiyak na naglabas ng saloobin sa mga magulang: Hinding-hindi ko kayo gustong bastusin, ever…
Samantala, ipagdiriwang nga ng Asia’s Pop Heartthrob na si Darren ang kanyang ika-10 anibersaryo sa industriya sa “D10” concert na magaganap sa June 1 sa Araneta Coliseum.
Inanunsyo ito ni Darren sa “ASAP Natin ‘To” noong Linggo pagkatapos ng performance niya ng latest single na “Iyo” na mula sa soundtrack ng “Can’t Buy Me Love.”
Mabibili na ang tickets para sa inaabangang concert sa Ticketnet outlets at ticketnet.com.ph.
Unang nakilala si Darren nang sumali siya sa first season ng “The Voice Kids Philippines” kung itinanghal siyang runner-up sa ilalim ng coach na si Sarah Geronimo.
Nagtuluy-tuloy ang tagumpay niya sa musika nang sumikat ang mga awitin niya tulad ng “Dying Inside To Hold You,” “In Love Ako Sa’yo,” at “7 Minutes.” Nakapaglabas din siya ng dalawang platinum albums na pinamagatang “Darren” at “Be With Me.”
Noong nakaraang taon, inilabas ng multi-awarded artist ang kanyang unang single sa ilalim ng Star Music na “Bibitaw Na.”
Pinasok din niya ang pag-arte at napabilang sa cast ng blockbuster film na “The Hows of Us” at iWantTFC series na “Lyric and Beat.” Kasalukuyan siyang napapanood bilang Stephen sa hit primetime series ng ABS-CBN na “Can’t Buy Me Love.”