KAPAG hindi binago ng movie at TV director ang ugali niyang palasigaw at palamura ay baka wala na siyang makatrabahong staff at artista.
Sa pagkakaalam naming ay normal na sa direktor ang naninigaw at nagmumura sa set kapag ang artista niya ay hindi makasunod sa ipinagagawa sa kanya, Lalo na kung may hinahabol na oras.
Ganito lagi ang naririnig naming kwento mula sa mga direktor, tulad ni Direk Joel Lamangan na very vocal sa pagsasabi na noong bata-bata pa siya ay talagang naninigaw siya at napapamura sa galit kapag ang artista ay hirap siyang paartehin at maraming dahilan.
Pero nitong nagkaroon na siya ng bypass surgery ay hindi na siya naninigaw at nagmumura, kinakausap na lang daw niya ang artista, lalo na kapag baguhan at hindi makasunod sa gusto niyang arte ay pinauuwi na lang niya dahil baka hindi ang pag-aartista ang calling niya.
Hindi lang naman si direk Joel ang ganito maging sina direk Joey Javier Reyes din ay ganito rin na vocal din sa pagsasabing ayaw niya sa artistang “tanga.”
Baka Bet Mo: 2 personalidad hindi ‘effective’ sa pag-eendorso ng produkto, true kaya?
Maging si direk Cathy Garcia-Sampana ay naninigaw din at sa katunayan ay nai-reklamo na siya noon ng ilang talents sa set ng “Forevermore,” 2014 noon sa Benguet, Baguio. Nagpaliwanag naman ang direktora kung bakit nangyari ang ganu’n.
Anyway, wala sa mga pangalang nabanggit namin ang direktor na ayaw nang maka-work ng ilang artista at production people dahil sa napakalutong nitong magmura at palasigaw sa set.
Tanda namin noon ang direktor na ito ay natanong sa isang mediacon tungkol sa pagsigaw-sigaw niya at ang paliwanag niya ay hindi maiwasan, lalo na kapag malapit ng ipalabas ang pelikula.
Nang ibigay daw kasi sa kanya ang project ay limitado ang panahon niyang gawin ito at dahil naka-oo na siya kaya talagang paspasan at walang room ang lahat para magkamali.
Pero at the end of the day ay ipinapaintindi naman daw niya ang lahat at nauunawaan siya.
Sa pagkaalam naming ay marami siyang projects pero kuwento nga ng ilang artistang naka-work niya ay maaari silang mamili ng projects at direktor na gusto nilang makatrabaho kaysa habang nasa set sila ay na-stress sila at wala silang peace of mind.
Dalawa na sa nakausap naming artista ang ayaw nang maka-trabaho si direk at nabanggit din sa amin ng kausap namin na pati pala productiona people ay inaayawan na siya.
Sabi namin na mahirap ang walang work dahil madalang ang pelikula at serye kaya dapat hindi choosy pero ang sagot sa amin, “Ate Reg maraming work mamimili ka lang kahit hindi kalakihan ang kita. Kung marami naman okay na kaysa medyo malaki ang fee mo pag-uwi mo ng bahay dala-dala mo ang nangyari sa set at minsan mapapanaginipan mo pa, hindi na makatarungan ‘yun.”
Nabanggit pa na walang malaki o maliit na artista para kay direk dahil lahat nasisigawan niya pero kinakausap daw niya pagkatapos.