Karen Davila sa BINI: ‘OMG ang babait! Tama lang na iniidolo niyo sila!’

Karen Davila sa BINI: ‘OMG ang babait! Tama lang na iniidolo niyo sila!’

Karen Davila, BINI

BAGO sumikat at makilala nang husto sa P-Pop world, maraming hinarap na pagsubok ang walong miyembro ng nation’s girl group na BINI.

Ang kani-kanilang mga hugot sa buhay ay inisa-isa ng veteran journalist na si Karen Davila sa kanyang exclusive interview sa YouTube.

Ayon sa grupo, nagsimula talaga sila from scratch na kung saan ay sila pa ang mismong namimigay ng flyers sa kalsada para may manood ng kanilang show.

Kwento nila, ilang taon din nila itong ginawa at pakiramdam nga raw nila ay walang napupuntahan ang kanilang mga paghihirap kaya ilang beses din daw nilang naiisip na sumuko.

“Siguro ‘nung umabot kami sa one year tapos two years nag-debut na kami, feeling ko walang nangyayari,” kwento ng main dancer na si Sheena habang naiiyak. 

Baka Bet Mo: SB19 game na game makipag-collab sa BINI: Let’s make it happen!

Wika pa niya, “Siyempre, ang daming time na –for example, sa mga events na if ever may meet and greet, may madadaanan lang. Tapos kapag nagpe-perform, hindi nanonood ‘yung mga tao, dinadaanan lang. Kasi grabe ‘yung training namin para daanan niyo lang.”

Dagdag ng main vocal na si Maloi, “Grabe po talaga ‘yung kinayod namin, as in kinayod po namin lahat ‘to. Sinacrifice namin ‘yung time namin for our families, for ourselves na talagang nag-focus kami sa BINI.”

Kasabay rin niyan ay ‘yung panahon na nagsara ang ABS-CBN at aminado rin ang grupo na grabe ang takot at kaba na kanilang naramdaman dahil hindi nila alam kung magtutuloy pa ang BINI.

“Pero sobra po ‘yung pasasalamat namin sa management, especially sa tatay namin na si Direk Lauren na inilaban po talaga kami na kahit wala pa kaming pinapatunayan, pero inilaban niya kami,” saad ni Maloi.

Patuloy niya, “Kaya ngayon naggi-give back kami. Ginagawa namin ‘yung best namin and sobra kaming thankful sa BLOOMs namin, sa mga tao na grabe ‘yung pag-support and pagmamahal sa amin.”

Kasunod niyan, isa-isa nang nag open-up ang bawat miyembro sa mga personal na pinagdaanan nila sa buhay bago mapabilang sa BINI.

Unang chumika si Sheena na ang naging inspirasyon niya upang ipagpatuloy ang P-Pop journey ay ang yumao niyang ina.

Ayon sa kanya, namatay ang kanyang nanay habang nasa kalagitnaan siya ng training at panahon ng pandemya.

“Ang mahirap po noon kasi pandemic tapos minor pa po ako. Hindi ako [makasakay] ng plane, land lang. Ang daming requirements, hindi ko na naabutan burol niya,” pagbabahagi ng main dancer.

Nasabi rin niya na wala na siyang tatay dahil may iba na itong pamilya at ang tanging mga kasama nalang niya sa buhay ay ang kanyang lola at kapatid na lalaki.

Iba naman ang hinarap na pagsubok ni Maloi na kung saan siya ang naging breadwinner ng kanyang pamilya at dahil sa pagsisikap ay pinag-aralan niya ang kanyang mga kapatid.

“Ngayon po, napagtapos ko ng pag-aaral ‘yung ate ko. So nagtutulungan na kami ngayon para [sa pamilya].” wika niya.

Gayundin sa lead dancer na si Stacey na napagtapos sa culinary course ang kanyang ina.

“Dalawa lang kami ng mom ko, single mom po siya…Pangarap po ni mommy na mag-aral sa isang culinary school and ‘nung nakakaipon na po kaming BINI, pinatapos ko rin po siya sa culinary,” sambit niya.

Si Colet naman, pinapaayos na ang bahay ng kanyang pamilya at siya na rin ang nagpapaaral sa dalawa niyang kapatid.

Kahit si Gwen, aminado rin na lumaki sa hirap na kung saan ay nabaon pa sa utang ang kanyang ina noon at siya naman ay gumawa ng sariling paraan upang matustusan ang mga kailangan niya sa pag-aaral.

“Single mom si mama tapos lima kaming magkakapatid…Nakaasa kami sa pension ng tatay ko [na namatay], kaso lima kami kaya nabaon din kami sa utang,” saad ng lead vocal and lead rapper.

Patuloy niya, “While studying before, rumaraket din ako sa mga events, kung ano-ano ang pinasok ko rin. Minsan sa school nagbebenta ng mga kung ano-ano po – pagkain. Kasi ang ginagawa ko, magse-save ako as much as possible para kunwari may projects, hindi na ako hihingi sa mama ko po.”

Dahil sa mga narinig ni Karen, lalo siyang humanga at bumilib sa BINI.

Sey niya, “Oh my God, ang babait pala ng mga batang ito!”

Guys, tama lang na iniidolo niyo sila. Napakababait!” tugon pa ng journalist.

Aniya pa, “Alam niyo, naiiyak ako sa inyo kasi grabe ang responsibilidad ninyong mga babae.”

Samantala, si Aiah ay kasalukuyan namang pinagsasabay ang pag-aaral at trabaho.

Habang sina Mikha at Jhoanna na medyo stable ang buhay ay nagbahagi ng kanilang mga natutunan mula sa kanilang mga ka-miyembro.

“There are a lot of different lives out there. Do not judge everyone,” lahad ni Mikha.

Para naman kay Jhoanna, “Minsan kapag nafi-feel kong nahihirapan ako, titingnan niyo lang silang pito, parang mas mahirap ‘yung pinagdaanan nila sa akin.”

Read more...