MAY ipinangako ang Kapuso actress at na si Jo Berry sa kanyang yumaong tatay na si Perry Berry, Sr..
Hanggang ngayon ay ramdam pa rin ng “Lilet Matias: Attorney-At-Law” lead star ang sakit at pangungulila sa pagkamatay ng ama, pati na ng kanyang lolo at kuya.
Halos sabay-sabay na pumanaw ang tatlo niyang kapamilya noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic na siyang pinakamatinding pagsubok na kanilang hinarap.
Taong 2021 nang mangyari ang sunud-sunod na pagsubok sa kanilang buhay na hindi raw talaga inaasahan kaya naman wasak na wasak noon ang kanilang mga puso.
Baka Bet Mo: Jo Berry sa pagpanaw ng ama, lolo, kapatid: Hindi ako makaka-move on ever
“Na-COVID po kaming lahat, nauna ‘yung kuya ko, August 26; lolo ko, September 1; and then si papa, September 21,” simulang pagbabahagi ni Jo sa guesting niya sa Kapuso weekly talk show na “Sarap, ‘Di Ba?”
Hindi raw talaga nila inaasahan ang biglaang pagpanaw ng ama, “Sobra po kasi ‘yung pinagdaanan ng family namin noong 2021. Una nag-critical si mama.
“Tapos noong time na ‘yun, okay pa si papa. Si papa pa ‘yung nakakausap ko. Akala namin okay siya. Tapos noong huli, si mama ‘yung naging okay, si papa yung nawala,” aniya pa.
Nang tanungin kung ano ang gusto niyang sabihin sa yumaong ama, ito ang sagot ni Jo, “Hindi ko nasabi na huwag na siyang mag-alala, ako na bahala kay mama. Sana narinig ni papa ‘yun ngayon.”
Baka Bet Mo: Jo Berry pag-aagawan nina Rodjun at Juancho sa ‘Little Princess’, pero kanino siya posibleng ma-attract?
May bilin din kay Jo ang kanyang tatay bago ito mamatay — na ituloy daw ng dalaga ang inalok na teleserye sa kanya ng GMA 7 na “Little Princess” na umere noong 2022.
“Last na sinabi niya sa akin is ituloy ko ‘yung laro ko. Kasi, I was supposed to go na sa lock-in na ng Little Princess noong time na ‘yun. Hindi pa ako maka-go kasi nasa ICU (intensive care unit) pa siya.
“Nawala po si papa, September 21, tapos 23 saka ako pumasok ng lock-in. So doon ako nag-leave and ‘yun po ‘yung pinagpi-pray ko lagi kapag kinakausap ko sila kasi tatlo po silang nawala,” pahayag ni Jo.
Inusisa naman ng host ng “Sarap, ‘Di Ba?” na si Carmina Villarroel kung ano kaya ang nararamdaman ngayon ng kanyang tatay, kuya at lolo na may successful na naman siyang serye na “Lilet Matias: Attorney-At-Law?”
Sagot ni Jo, “Ako po talaga I believe and I pray din na proud sila sa akin sa lahat ng decisions na ginawa ko noong iniwan na nila kami. Sa lahat ng ginagawa ko up until now. I hope na proud sila.”