NAGSALITA na rin si Bossing Vic Sotto sa mas tumitindi pang tapatan ng “Eat Bulaga” sa TV5 at “It’s Showtime” sa ABS-CBN at GMA 7.
Matapos maglabas ng saloobin sina Tito Sotto at Joey de Leon sa tsismis na nalulugi na ang TVJ Productions kaya magsasara na ang “Eat Bulaga” ay si Bossing naman ang nahingan ng reaksyon tungkol dito.
Nakausap ng ilang members ng entertainment media, kasama ang BANDERA, si Vic habang break sa birthday celebration niya sa “Eat Bulaga” kahapon, at isa nga sa mga naitanong sa kanya ang tungkol sa naturang issue.
Ayon sa veteran TV host-comedian, “Alam mo, hindi kasi ako ma-social media, eh. Mga naririnig-rinig ko lang pero part of the game ‘yan. Kasama sa buhay ‘yun, eh.
“Iyong nagpapasaya ng araw-araw natin, eh. Mga manonood, mga nagkokontrahan, kasama sa ano ‘yun, kasama sa hanapbuhay ‘yun,” ani Bossing.
Sa tanong kung sino nga ba ang tunay na kaaway ng “Eat Bulaga”, “Never naming sasabihing kaaway. Katapat, kalaban, pero kaaway? Iba ‘yung kaaway namin. Iba ‘yung kaaway sa kalaban, eh.
“Iyong kalaban it could be a friendly competition. It’s always been that case with Eat Bulaga and Showtime. Ilang taon na kaming magkatapat.
“Mananalo kami, mananalo sila. Iyon ang nagpapasaya ng tanghalian ng mga Pilipino, eh,” ang sey pa ni Bossing.
Baka Bet Mo: SB19 Justin manggugulat sa ‘Senior High’, kalaban ba o kakampi?
“Ako naman personally naiintindihan ko na trabaho lang ‘yun pero ‘yung kaaway iba ‘yun. Hindi ko babatiin ‘yun,” dugtong pa niya.
Patuloy pa niya, “Lilipas din ‘yan, eh. Ako naman ‘yung mga troll na sinasabi, ako’y may panlaban dun, scroll. Scroll muna. Balewala na lahat ‘yun.
“Iyong fans, ‘yung mga nagbabangayan, pero at the end of the day dapat masaya lang tayo,” sey pa ng husband ni Pauleen Luna.
Samantala, nagbigay din ng pahayag si Vic tungkol sa balitang half a billion ang kinita ng “Eat Bulaga” sa loob lamang ng anim na buwan.
“‘Wag kayong mag-aala nagbabayad kami ng tax. Honestly, wala akong alam du’n. Basta ang alam ko nakakapagpasaya tayo, nakakatulong tayo kahit paano at masaya ako sa ginagawa ko at ‘yun ang importante.
“Ngayong senior na ako, mas lalo ko pang pasasalamatan ang lahat ng mga tao,” aniya pa.