MATAPANG na niresbakan nina Tito Sotto at Joey de Leon ang mga taong nagpapakalat ng fake news na magsasara na ang “Eat Bulaga.”
May mga tsismis kasing naglalabasan sa social media na matsutsugi na raw sa ere ang longest-running noontime show sa buong mundo dahil sa pagkalugi.
Baka Bet Mo: CNN Philippines tuluyan nang nag-‘shutdown’, nalugi ng mahigit P5-B
Base sa mga naglipanang pekeng balita, may nagaganap na raw mga meeting sa pagitan ng mga bossing ng TV5, ng Media Quest at TVJ Productions dahil daw sa palaki nang palaking production cost ng programa.
Nakarating na ang chikang ito sa TVJ kaya naman sa episode ng kanilang noontime show kahapon, April 17, ay sinopla na nila ang mga nagpapakalat ng mga pekeng balita at tinawag pa nilang sinungaling ang mga taong ito.
Sa “Gimme 5: Laro ng mga Henyo” segment ng show, sinabi ni Tito Sen na dadagdagan pa nila ang perang mapapanalunan ng mga contestant na makakahula nang tama sa sagot.
Sey ng TV and movie icon, fake news ang balitang nalulugi na ang TVJ Productions na siyang dahilan kung bakit magsasara na ito.
“May mga sinungaling na nagkakalat na nalulugi raw tayo, at magsasara na raw tayo. Sabi ng mga sinungaling,” ani Tito Sen.
Pagsang-ayon ni Joey, “Tito, naiinggit lang ang mga yan dahil hindi sila kasali sa Top 5 longest-running show in the world.” Nasa 45 years nang napapanood sa TV ang “EB” na nagsimula noon pang 1979.
Hirit pa ni Tito Sen, “Para mapatunayan na tayo ay hindi nagsisinungaling at sila ang sinungaling, bukas bibigyan natin ang media ng kopya natin ng filed income tax.
“Kaya sa mga Dabarkads at sa mga ilang hindi Dabarkads, yun pong nagsasalita ng mga ganon, sinungaling yon, kaya huwag na kayong maniwala sa mga ganu’n,” aniya pa.
Matapang pang sabi ni Joey, “Heto muna ang hamon ko, umabot lang kayo ng 15 years, baka luluhod ako sa harap niyo. Fifteen lang ha, hindi 50 years.
“Bastusan na kasi ang labanan, e. Bastusan na, siraan, walang kuwenta. Enjoy lang tayo. Umabot muna kayo ng 45 years. Longest-running, Top 5 in the world.
“Mainggit kayo! Bakit kayo ganyan? Ang sasama ng ugali ninyo,” dugtong ni Joey.
Ngingiti-ngiti lang si Bossing Vic habang nakikinig sa mga banat nina Tito Sen at Joey.
Wala mang binanggit na pangalan o programa, naniniwala ang mga manonood na ang “It’s Showtime” ng ABS-CBN at GMA 7 ang pinatatamaan ni Joey.