DIRETSAHAN ang naging sagot ni Manilyn Reynes nang tanungin kung sino sa mga naging ka-loveteam niya ang pinaka-memorable para sa kanya.
In fairness, tatlong aktor ang itinambal sa kanya sa mga pelikula at ilang TV show noong kasagsagan ng kanyang kasikatan noong dekada 80 hanggang dekada 90.
Baka Bet Mo: Keempee kay Christian: ‘Yung iba malakas ang dating pero mayabang, siya walang bahid… napakanatural!’
Iyan ay sina Janno Gibbs, Keempee de Leon at Ogie Alcasid na talaga namang tumatak lahat sa Pinoy audience. Lahat ng proyekto niya kasama ang tatlong aktor ay sinuportahan ng kanyang fans.
Pero aling loveteam nga ba ang maituturing ni Mane na pinaka-memorable para sa kanya?
“Manilyn-Janno loveteam kasi nagsimula ‘yun sa That’s Entertainment e, sa That’s talaga,” ang sagot ng “Pepito Manaloto” star sa panayam ng “Updated with Nelson Canlas” podcast.
Kuwento ng aktres, ang iconic TV host at comedian na si German “Kuya Germs” na siyang host ng “That’s” ang bumuo ng loveteam nila ni Janno.
“Kasi merong event noon na it was for a launch ng isang produkto and then sabi ni Tito Germs, before that day, sabi niya, ‘Baka sino’ng gustong pumunta? Pumunta kaya kayo?’ Ganu’n,” ani Manilyn.
Baka Bet Mo: Christian Bables sobrang bilib kay Keempee: Ang dami kong natutunan!
Ang sabi raw sa kanila noon ni Kuya Germs at kumanta sila sa event at doon na nga nagsimula ang pagsi-ship ng manonood sa kanilang loveteam.
“Talagang ‘yung mga tao, sobrang tilian, ganiyan, kilig-kilig. So mula nu’n, lagi na kaming nagdu-duet, so naging loveteam na talaga kami ni Janno,” pagbabahagi pa ng aktres.
Kasunod nito, naging malaking isyu ang “paghihiwalay” nila bilang loveteam kasabay ng pagsikat ng classic OPM hit song niya na “Sayang na Sayang Lang”.
Marami ang nagpalagay noon na isinulat daw ang nasabing kanta para kay Janno. Pero paglilinaw ni Mane, para sa kanya wala itong bahid ng katotohanan.
“Actually, hindi. Kasi ibinigay sa akin ‘yung song na ‘yun, well sabagay wala naman talagang explanation ang Octo Arts kung para kanino.
“Pero ‘yung sumulat nu’n is si Mr. Ben Escasa. Nu’ng ibinigay sa akin ‘yun, wala ring pasabi,” aniya.
“’Basta’t ito ‘yung kanta, kantahin mo ‘to.’ Yun ang sabi sa akin. At dahil nga timing na timing din sa pagkakahiwalay ng loveteam, tumulak ngayon ‘yung kanta,” paliwanag pa ni Manilyn.
Samantala, after mabuwag ang tambalan nila ni Janno ay itinambal na siya kay Keempee de Leon. Nakagawa sila ng ilang pelikula at TV series, idagdag pa ang mga show nila bilang mga singer.
Nagtambal din sila noon ni Ogie Alcasid, “Nag-start naman ‘yung kay Ogie kasi dahil doon sa pagkakahiwalay ng loveteam (namin ni Keempee), tapos nagkaroon ng ‘Nandito Ako’ na song niya.
“So pinagtagpi ng mga tao na it was for me, ‘yung mga ganu’n.
“Although nag-movies din kami, oo, but it was because of ‘yung mga kanta namin sa Octo Arts naman nu’n.
“So nag-duet kami ni Ogie, and then we wrote ‘Pangako’ together,” pagbabalik-tanaw pa ng partner naman ngayon ni Michael V sa “Pepito Manaloto.”