Glaiza de Castro na-pressure sa ‘Encantadia’ kaya naospital

Glaiza de Castro na-pressure sa ‘Encantadia’ kaya naospital

Glaiza de Castro

 MATINDING pressure ang naramdaman ng aktres na si Glaiza de Castro noong bumida siya sa television series na “Encantadia” noong 2016.

Ito ang kanyang inamin nang maging guest siya sa TV show na “Sarap, ‘Di Ba?” noong Sabado, April 6.

Na-open ang topic sa hot seat segment na kung saan ay tinanong siya ng “Encantadia” co-star na si Gabbi Garcia.

Tanong niya, “Totoo ba na sobrang dedicated ni Glaiza na-ospital siya dahil sabaat itlog lang ang kinakain niya para maganda siya sa warrior outfit niya?”

Kinumpirma naman ito ni Glaiza at ikinuwento na dumaan siya sa “extreme diet” at ang kinakain lamang niya noon ay itlog, saging at quinoa.

Baka Bet Mo: Glaiza iiwan ang pag-aartista para sa pamilya: Pangarap ko talagang maging ina

Nasobrahan, aniya, ang kanyang ginawa kaya umabot sa puntong dinala pa siya sa ospital.

“Nung nagpe-prepare po ako for ‘Encantadia’ nung 2016—sobra kasing pressured ako ‘nung mga panahon na ‘yon kasi nga ‘yung warrior costume, tapos may gagampanan kaming roles na tumatak talaga sa viewers,” paliwanag ng aktres.

Sinabi rin ni Glaiza na may “big shoes to fill” siya bilang gagampanan niya ang karakter bilang si “Pirena” na dating role ng veteran actress na si Sunshine Dizon sa original TV series noong 2005.

“So parang sobra ‘yung workout ko tapos hindi ako masyadong nagka-carbs noon,” sambit niya.

Pag-alala pa niya, “Ang carbs ko was ‘yung saging na saba tapos may quinoa naman ako at itlog.”

Aniya pa, “Sobrang hindi balanse ‘yung diet ko.”

Kahit hindi masyadong idinetalye ni Glaiza ang pagkaka-ospital niya,  inamin naman ng aktres na nagkaroon siya ng “nutrient deficiency” at that time. 

Muling gagampanan ng aktres ang kanyang role bilang si Pirena sa spin-off series ng serye na pinamagatang “Sang’gre.”

Kasama niya riyan sina Bianca Umali, Kelvin Miranda, Angel Guardian and Faith Da Silva.

Read more...