“PASTOR, ikaw naman ang wanted, huwag mo akong [idamay] dito.”
Ito ang sinabi ni dating Pangulong Rodrigo Duterte nang magbiro at umiwas siya sa mga alegasyong tinatago niya ang pugante at rapist umano na si Apollo Quiboloy.
Ayon kay Duterte sa isang press conference, kusang-loob niyang ibibigay ang kanyang pera kung mapapatunayang nasa bahay niya ang pastor.
“Nasa bahay ko? Look, magkain lang ako pagkatapos [pero] mag-uwi ako. Magsama tayo doon sa bahay ko…. Ibuhos ko na lang ang pera ko para maligaya kayo kung makita niyo si Quiboloy sa bahay ko,” sey ng dating pangulo.
Nang tanungin naman siya kung tatanggapin niya si Quiboloy sakaling sumuko ito sa kanya.
Baka Bet Mo: Apollo Quiboloy ‘wanted’ sa FBI, dalawa pang miyembro pinaghahahanap rin
Ang sagot niya, “Hindi ko siya tatanggapin. Hindi ako ang authority.”
Si Duterte ang pinangalanang “administrator” ng Kingdom of Jesus Christ (KJC), ang sekta na pinamumunuan ni Quiboloy.
Nabanggit din ng ex-president na posibleng nagtatago ang wanted na pastor sa property ng KJC na nasa Barangay Tamayong sa Calinan District, Davao City.
“Nandyan lang ‘yan sa Tamayong. Malaki lang ang Tamayong,” pagbubunyag niya.
Wika pa former chief executive, “Let me educate all of you — ang Tamayong malaki ‘yan, sa loob maraming bahay. Make sure na sa isang bahay ay nandyan siya because for every bahay it should be different search.”
“Mag-ikot siya diyan, maghabulan kayo. By the time na matapos [o] mapagod ka na, you will become a member of KJC,” dagdag niya.
Inamin din ni Duterte na may ugnayan pa rin siya kay Quiboloy at nang tanungin naman siya kung kailan ang huli nilang pag-uusap, ang sabi niya sa presscon noong April 11: “Kanina.”
Samantala, itinanggi ng korte sa Pasig City ang apela ng pastor na suspendihin ang paglilitis sa korte sa kasong “qualified human trafficking” laban sa kanya.
Naglabas din ang korte ng warrant of arrest sa kanya para sa non-bailable offense.
Matatandaang noong January 2024 nang mag-isyu ang Senate Committee on Women ng subpoena laban Quiboloy matapos itong hindi dumating Senate investigation kaugnay ng mga alegasyon ng pang-aabuso ng kanilang grupo.
Nahaharap ang KJC sa mga kasong human trafficking, rape, sexual abuse, at child abuse.
May mga babae na rin ang humarap sa pagdinig upang magsalita kung paano sila pinagsamantalahan umano ni Quiboloy.