Nagbibisyo noon ang aktor pero gumaling na raw sabi ng kaanak kaya hinayaan na siyang makabalik sa trabaho at tuwang-tuwa naman dahil matagal din siyang nawala sa limelight.
Hanggang sa nagkaroon ng shooting sa sikat na probinsya sa Mindanao at nagulat na lang ang staff ng hotel dahil sa maitim na usok na nanggagaling sa kuwarto ng aktor na na-shock din nang magising.
“Hayun, naiwanang nakasindi ang hinithit na ____ (uri ng drugs) e, di nasunog ang buong kama. Imagine ang bilis ng apoy, so, ilang oras na siyang tulog bago naramdamang nasusunog na ang kama.
“Nataranta ang lahat ng naka-check in pati hotel staff, ang laking isyu kaya tumawag na sila sa pulis para i-report, nagdatingan naman agad pati bumbero at napatay naman.
“Galit na galit yung owner ng hotel at idedemanda si ____ (aktor), kaso may umayos pinakiusapan ‘yung owner ng hotel pati staff, malaki ata ang danyos na hiningi ng hotel.
“E, mapipigilan mo ba ang mga Marites sa paligid na nakaalam sa nangyari kaya mabilis ding kumalat ang chika at higit sa lahat banned na si ____ (aktor) sa hotel,” detalyadong kuwento ng aming source.
At dahil na-trauma ang aktor ay nangakong hindi na siya uulit sa bisyo niya at hindi na rin pupunta sa sikat na probinsya sa Mindanao kaya biniro siya ng handler niya, ‘sige sa ibang probinsya ka naman magkalat.’”
Galit na galit din daw ang taong umayos sa gusot ng aktor dahil ito pala ang nagbigay sa kanya ng chance para makabalik sa showbiz pero hindi nito tinupad ang pangako at sisingilin din daw nito ang aktor sa malaking halagang ibinayad sa hotel.
“Sana magtanda na siya, huling chance na niya, pero sa tingin ko hindi ‘yan titigil, bisyo, eh. Tapos ‘yung dyowa parang wala namang magawa dahil hindi kayang pagbawalan o pigilan at nauuwi raw sa away,” say pa ng aming source.
Naawa kami sa aktor dahil wala naman kaming alam kung anong suporta ang ibinibigay sa kanya ng kanyang pamilya. Sana nga magbago na ang aktor.