INAMIN ng leader ng dating girl group na Sexbomb girls na si Rochelle Pangilinan na nasaktan sila sa biglaang pagkawala ng kanilang grupo noon sa noontime program na “Eat Bulaga”.
Sa kanyang panayam sa “Toni Talks” nitong Linggo, April 7, nausisa ang actress-dancer tungkol sa biglaang pagkakaalis ng kanilang grupo dahol sa hindi pagkakaunawaan ng kanilang manager na si Joy Cancio at ng executive ng naturang programa.
Amin ni Rochelle, hanggang ngayon ay wala pa ring closure kung bakit sila tinanggal noon sa show.
“Wala kaming closure. Bigla na lang kaming nawala, ang SexBomb. Pero sa ‘Eat Bulaga,’ may nangyari sa’min na nagkaroon ng hindi pagkakaintindihan ang mga boss natin at si Ate Joy [Cancio].
Baka Bet Mo: Rochelle Pangilinan ‘feeling blessed’, ibinandera ang pagiging bibo at friendly ng anak
“Nagte-taping kami ng ‘Daisy Siete’ tas binabalita ang usapan. Tapos nagkababaan daw ng telepono,” pagbabahagi ni Rochelle.
Noong mga panahon na ‘yun daw ay pinag-uusapan nila kung pupunta ba sila sa “Eat Bulaga” o hindi dahil noong nangyari ang hindi pagkakaunawaan ng kanilang manager at isa sa mga boss ng “Eat Bulaga” ay may guesting sila sa morning show noon na “Sis”.
“Meron kaming guesting pa bago mag-’Eat Bulaga,’ so nag-guest kami sa ‘Sis.’ Nag-usap kami na kung sino gusto mag-attend, and majority wins. Eh lahat kami nagtaas ng kamay. Pumunta kami, tas sinabihan ko sila magsara ng telepono kasi sure na magtatawag si Ate Joy.
“T’as meron isang SexBomb member na nag-abot ng telepono, t’as nakausap ko si Ate Joy. Sabi ko, ‘Bakit?’ Umiiyak siya. So umalis kami ng Broadway. Pumunta kami sa kanya,” kwento pa ni Rochelle.
Naging bukas rin ang actress-dancer sa kanyang naramdaman noon nang biglang nagpa-audition at ipinakilala ang EB Babes sa publiko.
Chika ni Rochelle, nakaramdam sila ng insecurity dahil magaganda at mas bata sa kanila ang mga napili.
“Noong hindi na kami pumasok sa ‘Eat Bulaga,’ nagpa-audition sila ng dancers. Nagpa-contest sila, t’as siyempre, magaganda at bata. Masakit ‘yun sa’min.
“Parang pinalitan niyo kami, gan’un ang feeling namin n’un kasi lahat ng SexBomb, competitive,” sabi pa ni Rochelle.
Sa ngayon ay may kanya-kanya na ring karera ang mga miyembro ng Sexbomb na siyang masasabing pinakasikat na girl group noong late 1990s hanggang 2010s.
Ilan sa mga sumikat nilang kanta ay ang “Bakit Papa?”, “The Spageti Song,” at “Halukay Ube”.