MULI nang mapapakinggan ang viral song na “Selos” ng Moro singer na si Shaira sa online streaming platforms.
Ito ay matapos niyang kumpirmahin na nakapag-usap na sila ng kampo ng Australian singer na si Lenka matapos pumutok ang isyu na may pagkakaparehas ang kanyang kanta sa naunang kanta noon ni Lenka na “Trouble Is A Friend”.
Sa kanyang Facebook page ay ibinahagi ni Shaira ng isang 4-minute video kung saan tinalakay niya ang naging copyright issue ng kanyang viral song na “Selos”.
Aniya, malaki ang kanyang pasasalamat dahil sa pagmamahal ng mga tao sa kanyang kanta.
“Napakalaki po ng aking pasasalamat ngayon dahil napakaraming oportunidad ang nabuksan para sa akin magmula nang makilala ang kantang ‘Selos,'” pagbabahagi ni Shaira.
Aminado rin siya na hango sa ibang kanta ang melodiya ng kanyang awitin.
Baka Bet Mo: ‘Selos’ ni Shaira Moro tinanggal sa streaming apps matapos ireklamo
Bukod pa rito, inamin rin niya na nasasaktan siya sa mga nababasa niyang negative comments buhat nang lumabas ang copyright issue sa pagitan nila ni Lenka.
“Naramdaman ko na para akong hinihila pababa imbes na maramdaman ko ang kanilang suporta, may mga nagsasabi pa na baka hindi ako makabangon dahil sa kasong isinampa ng original artist na si Lenka laban sa akin,” pagbabahagi pa ni Shaira.
Sa kalagitnaan ng isyu ay pinili na lang raw nila ang manahimik dahil ayaw na nilang lumaki pa ang isyu.
Pero paglilinaw ni Shaira, walang kaso na isinampa sa kanya sa kabila ng pagkakapareha ng melody ng “Selos” at “Trouble Is A Friend”.
“Wala pong sinampang kaso laban sa amin. Sa katunayan naging at mapayapa ang pag-uusap namin ng kampo ni Lenka at nauwi po ito sa pagkakasunduan hindi lang sa pamamaraan ng pagpapalabas ng kanta sa online streaming platforms,” sey ni Shaira.
Kasunod nito ay ibinahagi niya ang magandang balita na muli nang magbabalik ang “Selos” sa streaming platforms.
“Malapit na po naming ibalik sa mga online streaming platforms ang kantang ‘Selos’ kasabay na rin po ng ibang kanta ng aming produksyon.
“Sana po ay maging masaya na lang po tayo dahil hindi lang naman po ito para sa akin, para rin po ito sa mga kapwa kong Bangsamoro artists at kapwa ko Pilipino,” hiling ni Shaira.
Nagpapasalamat rin ang dalaga sa mga tumulong at naniwala sa kanya pati na rin kay Lenka sa maayos na pag-uusap nila at pagkakaayos.
“I want to express my deepest gratitude to you and to your team for allowing me [to have] this opportunity [to release my songs again],” masayang sabi ni Shaira.