Judy Ann super thankful sa pagbabalik ng cooking vlog: Nakakataba ng puso!

Judy Ann super thankful sa pagbabalik ng cooking vlog: Nakakataba ng puso!

PHOTO: Instagram/@officialjuday

NAGBABALIK na ang cooking vlog ni Judy Ann Santos –ang “Judy Ann’s Kitchen,” matapos ang mahigit dalawang taong hiatus.

Sa Instagram, ibinandera ni Juday ang ilang behind-the-scenes photos kasama ang kanyang staff at crew, pati na rin ang kanyang mister na si Ryan Agoncillo na direktor ng kanyang contents.

“Hindi ko alam kung paano at saan ako magsisimulang magpasalamat sa mga taong nasa likod ng Judy Ann’s Kitchen [holding back tears emoji],” panimula ni Judy Ann sa post.

Ayon pa sa celebrity mom, anim na buwan ang tinagal bago tuluyang mabuo ang kanilang team at konsepto para sa comeback ng Judy Ann’s Kitchen.

Kasunod niyan ay isa-isa niyang tinag at pinasalamatan ang mga taong nasa likod ng kanyang cooking vlogs.

Baka Bet Mo: KC Concepcion nagtamo ng 2nd degree burn matapos maaksidente sa kitchen

Kabilang na siyempre ang kanyang mister na nagpakita ng all-out support sa kanya at sa proyekto.

“Higit sa lahat.. sa buhay ko.. @ryan_agoncillo thank you bub.. for always, always being there.. for calming me pag nakikita mong balisa ako, sa paghawak sa kamay ko pag ninenerbyos ako, sa pagpapaalala sa aking huminga sa mga pagkakataong nao-overwhelm ako.. sa pag-akap sa akin ng mahigpit sa mga oras na kahit hindi ko alam kailangan ko,” mensahe ni Juday kay Ryan.

Binanggit din ng aktres ang kanyang mga anak na nagsisilbing inspirasyon niya sa buhay.

“Sa tatlo naming supling.. kayo ang inspirasyon ko.. habang buhay.. [red heart emojis] at sa lahat po ng naghintay at nakapanood na.. maraming maraming salamat.. nakakataba ng puso ang lahat ng mga komento ninyo…[red heart emojis],” ani pa niya.

Kalakip niyan ang hashtags na “forever grateful” at “Judy Ann’s Kitchen is back.”

Noong April 3 nang bumandera ang unang episode ng comeback vlog ni Juday kung saan ang niluto niyang putahe ay gawa sa sea urchins.

“Sea urchins are delicacies in many countries. You can have it raw with wasabi and lemon, or you can try our take on Uni Pasta and Uni Toast! Lucho-approved!” caption niya sa latest cooking vlog.

Nang binisita namin ang YouTube account ng Judy Ann’s Kitchen, makikita na ang huling upload ng vlog ay noon pang January 2022.

Sa dating interview, inamin ni Judy Ann na ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin ang naging dahilan kaya nahinto ang paggawa niya ng cooking videos.

“Hindi naman sobrang busy. Ang hirap kasing mag-isip ng mga episodes especially kung ang pagtaas ng presyo ng bilihin ay napakalala. Ayokong hindi maka-relate ‘yung viewers sa kung anumang lutuin ang gagawin ko kasi parang napaka-unfair naman,” sagot ni Judy Ann.

Aniya, hindi naman siya titigil sa paggawa ng cooking videos pero tuma-timing lang rin siya kung kailan siya maaaring bumalik.

Read more...