NASA ilalim na ng “state of calamity” ang probinsya ng Cavite.
Ito ay dahil dumadami na ang mga nahahawa ng pertussis o whooping cough sa probinsya.
Ayon sa provincial government, nakapagtala na sila ng 26 confirmed cases at kabaling na riyan ang anim na namatay dahil sa nasabing sakit.
Narito ang datos ng Cavite kaugnay sa mga kaso ng pertussis:
Baka Bet Mo: Warning ng PAGASA ngayong Holy Week: ‘Mag-ingat dahil mas magiging mainit’
Bacoor – 6 cases; 1 dead
Trece Martires – 6 cases
General Trias – 5 cases; 2 dead
General Mariano Alvarez – 4 cases
Carmona – 3 cases; 1 dead
Silang – 3 cases
Dasmariñas – 2 cases
Kawit – 2 cases
Imus – 2 cases; 1 dead
Cavite – 1 case
Tagaytay – 1 case
General Emilio Aguinaldo – 1 case; 1 dead
Ayon sa Cavite government, pinirmahan ang Resolution 3050 matapos irekomenda ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) na ilagay ang probinsya sa state of calamity upang mapigilan ang paglala ng outbreak.
Ang resolusyon na ‘yan ay ibinandera sa Facebook page ng provincial capitol.
Sa ilalim ng “state of calamity,” binibigyan ng mas malaking kapangyarihan ang mga ahensya ng gobyerno para matugunan ang apektado ng outbreak.
Ilan rin sa mga epekto ng nasabing status ay ang pagpayag sa mga lokal na pamahalaan na gastusin ang kanilang “quick response funds,” pati na rin ang pagpataw ng price cap para mapigilan ang pagsipa ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo.
Samantala, Ang pertussis o whooping cough ay pwedeng makahawa sa pamamagitan ng “respiratory droplets” o “airborne droplets,” gayundin ang exposure sa mga infected o kontaminadong utensils, damit, furniture, at marami pang iba.
Ilan sa mga sintomas nito ay patuloy na pag-ubo na maaaring tumagal ng dalawang linggo o higit pa, runny nose o sipon, at mild fever o lagnat.
Babala ni infectious diseases expert Dr. Rontgene Solante, pwedeng lumala ang pertussis sa pneumonia, respiratory failure, encephalopathy or disturbances in the brain’s functioning, at kombulsyon sa mga sanggol.