ISANG linggo matapos masangkot sa copyright issue, mainit nanamang pinag-uusapan sa social media ang binansagang Queen of Bangsamoro Pop na si Shaira Alimudin o mas kilala sa stage name na Shaira Moro.
May isa pa kasi siyang kanta na tinanggal sa music streaming platforms.
Ito ang kanyang track na pinamagatang “Forever Single.”
Naging agaw-pansin ang single matapos ibandera ng X (dating Twitter) page ng @allchartsPH ang nasabing report.
“Shaira’s ‘Forever Single (Walang Jowa)’ has also been taken down from online streaming platforms,” saad sa post.
Baka Bet Mo: Shaira Moro pumalag sa body-shamers: ‘Sa chubby mo makikita ang ganda!’
Shaira’s “Forever Single (Walang Jowa)” has also been taken down from online streaming platforms. pic.twitter.com/LulmEJ4aRH
— allchartsPH 🇵🇭 (@allchartsPH) March 24, 2024
Ang dahilan ng pagkakatanggal ay hindi pa nabubunyag, pero iginiit ng ilang netizens na nanggaya umano uli ang Mindanao singer ng tono at melody.
Magkapareho raw ito sa 2013 song na “Masih Mencintainya” by Indonesian band Papinka.
Wala pang inilalabas na pahayag ang music label ni Shaira na AHS Production patungkol sa bagong isyu, as of this writing.
Sa kabila nito, nauna nang pumalag ang label laban sa mga namba-bash kay Shaira noong March 24.
“Sana lang ay maalis na sa kaugalian nating mga Pinoy ang pagiging utak alimango,” sey sa post.
Panawagan nila, “Matutunan nating iangat ang bawat isa. Lahat naman tayo pwedeng magkaroon ng kanya kanyang pwesto sa ibabaw.”
“Sadyang ganun lang talaga pag trending o viral ka daming sasakay for their own benefit and gains,” patuloy pa ng AHS.
Ani pa, “At sino ba naman kami? We are just Bangsamoro people, We are always at Peace. Tao lang rin na nagkakamali. Gusto lang namin magpasaya.”
Magugunita na unang naging laman ng balita si Shaira nang matsugi ang kanyang kantang “Selos” sa mga streaming platform dahil sa umano’y pagkopya ng tunog at melody nito sa 2008 song na “Trouble is a Friend” ng Australian singer na si Lenka.
Nag-sorry na ang AHS Channel kay Lenka sa pamamagitan ng Facebook at kasalukuyan na nilang pinoproseso ang paghingi ng permiso upang gawing “official cover” ang viral song.
Hanggang ngayon, wala pang update si Shaira tungkol sa legal action at copyright concerns na kanyang kinakaharap.