KINONDENA ng mga animal welfare advocate ang panibagong insidente ng pangmamaltrato sa hayop sa Legaspi City.
Matapos mag-viral ang walang-awang pagpatay ng isang lalaki sa Golden Retriever na si Killua, isa na namang pagmamalupit sa aso ang naiulat kahapon.
Base sa mga report, dalawang liverline shih tzu ang pinutulan ng tenga ng hindi pa nakikilalang indibidwal sa Barangay 8, Bagumbayan, Legazpi City.
Nangyari ang insidente noong March 20, matapos umanong looban ang bahay ng may-ari ng dalawang aso na sina Luna at Bonbon.
Baka Bet Mo: Lalaki kinagat sa tenga matapos makipag-inuman, mga suspek arestado
Sa Facebook post ng isang nagngangalang Maris Icleo Aguilar, ibinahagi niya ang sinapit ng kanyang mga alagang hayop na parehong 10 months old.
Ayon kay Maris, sandali silang nawala sa bahay dahil meron lamang silang inasikaso ngunit pag-uwi nga nila ay duguan na ang kanilang mga alaga at tila nanghihina na.
Nang lapitan ni Maris ang mga ito ay nadiskubre niyang putol na ang isang tenga ni Luna at dalawang tenga naman ang tinapyas kay Bonbon.
Kuwento ni Maris, posibleng may nakapasok sa bahay nila at nagtangkang magnakaw pero nang walang mahahalagang bagay na matangay ay ang mga alaga nila ang napagdiskitahan.
Baka Bet Mo: Regine bilib na bilib sa pagmamahal ni Jona sa mga hayop: ‘Humihinto pa yan sa EDSA para mag-rescue ng kuting’
“Grabe po iyak ko tapos pinaliguan ko sila. Halos ramdam ko ‘yong grabe isasalita nu’ng mga puppies ko kasi ‘yong tahol nila, ibang-iba talaga.
“Pareho sila ngayon matamlay at halos ayaw na maglaro,” sabi ni Maris sa panayam ng ABS-CBN.
Bukas, March 25, balak dalhin ni Maris sina Luna at Bonbon sa veterinarian. Nanawagan din siya ng tulong pinansiyal sa publiko para sa pagpapagamot ng dalawang aso.
Nangako rin si Maris na hindi siya titigil sa paghahanap sa taong pumutol sa tenga ng kanyang mga alaga. Dapat lang daw itong managot sa kanyang ginawa.
Sa kanyang Facebook account, ipinost din ni Maris ang mga litrato ng dalawang aso na may caption na, “Palakas kayo mga babies ko. love na love ko kayo. d tayo titigil na d mahanap ang nag putol ng mga tenga ninyo.”
Kinondena naman ng mga animal welfare advocate ang ginawa kina Luna at Bonbon at dasal nila ang agarang pagkahuli sa mga nanakit sa dalawang aso.