KUNG walang magiging pagbabago sa desisyon ng mga pinuno ng Barangay Ginebra San Miguel, siguradong ang 7-footer na si Gregory Slaughter ang magiging top pick ng 2013 PBA Rookie Draft na gaganapin mamayang alas-4 ng hapon sa Robinsons Place Manila.
Sina Slaughter, Ian Sangalang at Raymund Almazan ang inaasahang magiging top three picks ng Draft kung saan hawak ng San Mig Coffee ang No. 2 at ng Rain or Shine ang No. 3 pick.
Nakikipagnegosasyon din ang Barangay Ginebra upang makuha ang No. 4 pick buhat sa Barako Bull na may-ari rin ng No. 5 at No. 6 na hinahangad naman makuha ng Petron Blaze at Global Port sa pamamagitan din ng trades.
Kung aaprubahan ni Commissioner Chito Salud ang trade na ito, malamang na kunin ng Gin Kings sa No. 4 si Nico Salva na kakampi ni Slaughter sa Ateneo Blue Eagles na nakakumpleto ng five-peat sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) men’s basketball noong isang taon.
Sa Ginebra, maka-kasama ni Slaughter sa matinding frontcourt ang higante ring si Japeth Aguilar. Kabilang din sa matinding frontline ng Gin Kings sina Rico Maierhofer, Billy Mamaril at Jay-R Reyes na kamakailan ay nakuha buhat sa Meralco Bolts kapalit ni Kerby Raymundo.
Lalakas din ang frontline ng San Mig Coffee na kamakailan ay nagkampeon sa Governors’ Cup. Si Sangalang, dating Most Valuable Player sa National Collegiate Athletic Association (NCAA) kung saan naglaro siya sa San Sebasian Stags, ay makakasama ng mga big men na sina Rafi Reavis, Yancy de Ocampo at Joe Devance.
Inamin ni Rain or Shine coach Joseller “Yeng” Guiao na kukunin nga nila kung available si Almazan, isang 6-foot-7 sentro buhat sa Letran Knights. Si Almazan ay two-time Defensive Player of the Year ng NCAA at posibleng maging MVP sa kasalukuyang season.
Pag-aari rin ng Rain or Shine ang No. 9 pick at ng San Mig Coffee ang No. 10. Kapwa sinabi ng mga opisyales ng Elasto Painters at Mixers na puwedeng ipamigay nila ang mga picks na ito kung may mag-aalok ng magandang trade.
Ang Global Port ang siyang may-ari ng No. 7 pick samantalang ang Alaska Milk ang may hawak sa No. 8.
Walang first round pick ang Philippine Cup defending champion Talk ‘N Text, Meralco at Air21 na magsismula lamang mamili sa second round.
May kabuuang 85 top amateur players ang lumahok sa Draft.
Ang iba pang tinitingnan ng sampung PBA teams sa Draft ay sina Terrence Romeo, RR Garcia, Kevin Alas, LA Revilla, Justin Chua, Ryan Buenafe at James Forrester.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.