NAGSALITA na ang binansagang Queen of Bangsamoro Pop na si Shaira Moro laban sa mga fans niyang sumosobra na sa pambabatikos sa Australian singer-songwriter na si Lenka.
Ito ay matapos tsugihin ang viral song niyang “Selos” sa mga streaming platforms dahil sa umano’y pagkopya ng tunog at melody sa 2008 song ni Lenka na “Trouble is a Friend.”
Sa kanyang Facebook account, nanawagan ang OPM singer sa kanyang mga Pinoy supporters na tigilan na ang pagsasalita ng hindi magaganda laban sa Aussie singer.
“Nais ko lamang po makiusap sa lahat ng tumatangkilik at sumusuporta sa akin na nakapagkomento o nakapagsalita ng ‘di maganda at ‘di naaangkop laban kay Idol Lenka na kung maaari lamang ay tigilan na po natin ang pagtuligsa o pambabash sa kanya,” saad niya sa post.
Ayon pa kay Shaira, gets na gets niya ang lungkot na nararamdaman ng iba matapos alisin ang kantang “Selos” sa mga digital music apps na talagang tinangkilik na ng madlang pipol.
Baka Bet Mo: Lenka binanatan ng netizens, dapat raw magpasalamat kay Shaira Moro
“Naiintindihan ko po ang sentiments [niyo] dahil sa pag-take down ng kantang ‘Selos,’ at nagpapasalamat po ako dahil kahit papaano ay [nandiyan] kayo na nagnanais na ipagtanggol ako,” aniya.
Ipinaliwanag ng baguhang singer na maayos na nakipag-usap ang kampo ni Lenka sa team nila Shaira patungkol sa “copyright concerns” nito.
“Subalit, nais ko [rin] pong ipaalam na naging maayos ang approach sa amin ng kampo ni Lenka, mabuti at maayos silang kausap. At nakikita namin na ginagawa lamang nila kung ano ‘yung tama at naaayon sa batas.
“Sana po ay matigil na ang mga pambabash or pag-spread ng hate speech laban sa kanila, bagkus ay ipakita po natin na tayo ay Peace Loving Citizen,” dagdag pa niya.
Nauna rito, nanghingi na ng paumanhin ang producer ng “Selos” na AHS Channel kay Lenka sa pamamagitan ng Facebook post.
“On behalf of our artist, Shaira, AHS Productions would like to convey our heartfelt apologies to all those who have enjoyed listening to the ‘Selos’ as it is now unavailable [on] all online streaming platforms,” mensahe sa caption.
Sey pa nila, “As most of you may know, the melody that we have used is originally from a song entitled ‘Trouble is a Friend’ by Lenka and as of the moment, we are already in contact with her team for us to make ‘Selos’ an official cover.”
Magugunitang nag-trending ang kantang “Selos” ni Shaira sa TikTok last year hanggang sa magkaroon na rin ito ng bonggang dance challenge.