Euleen Castro, Queenay Mercado may nakakalokang karanasan sa audition

Euleen Castro, Queenay Mercado may nakakalokang karanasan sa audition

Euleen Castro at Queenay Mercado

PAREHONG nakaranas ng rejection ang mga sikat na social media personalities na sina Euleen Castro at Queenay Mercado.

Tandang-tanda pa ng dalawang internet sensation ang mga nakakalokang audition na pinagdaanan nila bago pa sila makilala ng sambayanang Filipino sa pamamagitan ng socmed.

In fairness, hindi man sila napansin at nagtagumpay sa pangarap nila noom na mapanood sa telebisyon, sikat na sikat naman ngayon sina Euleen at Queenay sa ibang entertainment platform.


Ibinahagi ni Euleen sa nakaraang episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” ang nakakatawang karanasan niya nang subukang mag-audition para sa isang singing contest sa TV.

Shookt daw ang beauty niya nang sumigaw agad ng “Next!” ang nagpapa-audition kahit isang salita pa lang ang kankang nakakanta.

“Iba rin ‘yung gigil ko roon. Audition ako, singing. Kasi feeling ko maganda ang boses ko, nag-voice lesson pa ako,” sey ni Euleen.

Pero one word pa lang ang lumabas sa bibig niya ay pinatigil na agad siya, “‘Huh? ‘Yun na ‘yon?’ Next na agad!?

“Hindi pa ako nakakapag-umpisa, sinabi ko lang ‘yung first line na ‘Kahit…’ sabi niya, ‘Okay, next!’ Ha? Ang tagal kong naghintay, hindi pa ako kumain,” ang tawa nang tawang pag-alala ni Euleen.


Samantala, nagkuwento rin ang sikat na Batangueñang content creator na si Queenay sa maging experience niya nang mag-audition para sa isang teleserye.

“Hindi ko po maalala kung anong certain teleseryo ito. Pero, nag-audition ho ako pero, ang mga kasamahan ko ho noon ay mga mestiza, mapuputi.

“Tapos ako ho, bukod, siyempre galing probinsya, alam n’yo naman, ang kulay medyo talagang…” ang biting pahayag ng dalaga.

Pagpapatuloy pa niya, “Ako ho, sobrang confident ako na talagang may pag-ano pa ako, nakaganiyan (tayo) pa ako.

“Pero hindi naman ho ganiyan katindig dahil ako mahihiyain pa ho noon,” pagbabalik-tanaw ni Queenay.

“Tapos ho, ngayon, nu’ng nag-audition ako, ipinakita ko ‘yung best ko, umarte ako tapos kumanta rin, lahat naman ho ng ginagawa sa audition. ‘Tingin sa kanan, tingin sa kaliwa, tingin sa likod,’ ganyan,” dugtong pa niya.

Pagkatapos niyang mag-perform,  sinabihan siya na maghintay na lang ng tawag. Feeling niya papasa naman siya dahil super clap daw ang mga nagpa-audition.

“Ngayon ho, siyempre hinihintay ko. Sabi, ‘Queenay, tatawagan ka na lang ha. Mag-antay na lang.’ Tumagal na ho nang tumagal, namuti na ho ang mata namin kakahintay, talagang, walang tumawag,” chika ni Queenay.

Bumilib naman si Tito Boy sa dalawang socmed personalities dahil sa kabila ng naranasang pagkabigo para maabot ang kanilang mga pangarap ay hindi sila basta-basta sumuko.

Sa ngayon, may mahigit 14 million followers na si Queenay sa TikTok habang mahigit 3 million naman ang followers ni Euleen sa TikTok.

Read more...