TILA may binitawang pangako ang kapatid ni Andi Eigenmann na si Gabby ngayong ulilang lubos na ang dating aktres.
Sa isang interview na ibinandera sa YouTube ni Allan Diones, sinabi ni Gabby na hindi niya pababayaan ang kanyang kapatid, lalo na’t wala na siyang mga magulang.
Halata naman na close na close ang dalawang magkapatid dahil kahit hindi tunay na ina ni Gabby ang namayapang Cannes Film Festival best actress na si Jaclyn Jose ay kapansin-pansin na nasa tabi lang siya ni Andi –mula nang humarap sila sa media upang kumpirmahin ang pagpanaw ng batikang aktres hanggang sa ma-cremate ito.
Anyway, sa naging interview ni Allan, tiniyak ni Gabby na hindi niya ipaparamdam na nag-iisa si Andi.
“Mahirap din i-absorb ‘yung nararamdaman ni Andi. Sponge ako eh. Parang wala na siyang parents eh, alam mo ‘yun, orphan,” sey ng aktor.
Baka Bet Mo: Andi Eigenmann umaming naloloka rin sa pag-aalaga ng 3 anak: Sinasabi ko na lang, ‘Ginusto mo yan, eh!’
Sambit pa niya, “But I would never feel that way, I’ll make sure…She will never feel that way naman. And totoo, sasabihin ko na I will make sure of that.”
Nang tanungin naman kung kamusta na ang kanyang kapatid ngayon.
“She’s coping,” sagot niya.
Paliwanag ni Gabby, “On and off emotions kasi of course, day by day you see different people e. Iba-ibang mga nakasalamuha niya sa industriya.”
“Any child naman na nawalan ng magulang will always be reminded of – ‘yung pag wala na, konting switch lang, maaalala mo,” ani pa niya.
Bilang paglilinaw, half-siblings sina Gabby at Andi dahil tatay nila ang yumao na ring aktor na si Mark Gil.
Si Andi ay anak ni Mark kay Jaclyn, habang si Gabby ay anak ng namayapang aktor kay Irene Celebre.
At sa mga nagtatanong, kapatid din ng dalawa sa ama sina Sid Lucero at Maxine Eigenmann.
Samantala, noong March 2 nang sumakabilang-buhay si Jaclyn sa edad na 60 at nakita ang kanyang katawan sa loob ng kanyang bahay sa Quezon City.
Una itong kinumpirma ng kanyang talent management na PPL Entertainment noong March 3.
Kinabukasan naman ay opisyal na ipaalam sa publiko ni Andi na myocardial infarction o heart attack ang sanhi ng pagpanaw ng batikang aktres.
Ilan sa mga nagawang pelikula ni Jacklyn ay ang “Private Show” (1985), “White Slavery” (1985), “Itanong Mo Sa Buwan” (1988), “Machete II” (1994), “Sarong Banggi” (2005), at “Ma’ Rosa” (2016).
Sa telebisyon lumabas siya sa “The Legal Wife” (2014), “Maalaala Mo Kaya,” at “FPJ’s Ang Probinsyano.”