NAG-OPEN UP ang comedienne-actress na si Whitney Tyson tungkol sa mga pambu-bully mula sa ilang kapwa-artista na nakakasama niya sa tapings.
Sa kanyang panayam with veteran broadcaster na si Julius Babao, inalala ni Whitney na nangyari ito noong mga panahon na kabilang siya cast ng 1992 series na “Mara Clara” at ng television adaptation na “FPJ’s Ang Probinsyano.”
Kwento ni Whitney kay Julius, hindi siya nagtagal sa “Mara Clara” dahil ginawan siya ng isyu at madalas pang inirereklamo sa production.
Tanong sa kanya, “Mga artista rin ang nang-bully sayo?”
“Oo,” sagot agad ng aktres.
Baka Bet Mo: Gardo Versoza nagpakita ng suporta kay Ricardo Cepeda: Nung time na nasa bingit ako ng kamatayan, nandyan siya
Kwento niya, “Kasi nag-location [shoot] kami sa parang dagat. Ngayon siyempre parang may kwarto kami doon. Nasa dagat ka, naglakad-lakad ka, nagbasa ka ng paa. So ngayon, may buhangin na kumalat sa paa mo, pag-akyat mo sa kwarto, may artistang nagagalit na ang dami daw buhangin. ‘Yun ang umpisa.”
“Tapos ‘nung time na ‘yun, nagte-taping sila, ako natutulog sa bus kasi nga ayaw ko nang mapagalitan na andoon ako sa kwarto,” dagdag pa niya.
Kasunod niyan ay ikinuwento ni Whitney na naulit ang pambu-bully sa kanya nang napabilang siya sa cast ng “FPJ’s Ang Probinsyano.”
Dito niya ibinunyag na napapaiyak pa nga raw siya dahil tila pinagkaisahan siya sa taping.
“Dito naman sa ‘Ang Probinsyano,’ meron din. Parang naulit muli, pinaiyak din ako diyan,” sey ng komedyana.
Chika niya, “Kasi nag party-party kami doon eh. Edi uminom-inom ako, then sabi ko sa direktor namin na kasi sumagi siya doon habang nagte-taping kami mabango si direk. Kaya ‘nung nalasing kami, nasabi ko, ‘Nako direk! Kapag may taping tayo ang bango bango mo.’ Ginawan nila ng eksena ‘yun para ako ay ma-bully bully niya.”
Follow-up question ng boradcaster, “Paano ka na-bully?”
“Pagbalik ko sa kwarto, siyempre pag nag-toothbrush ka, ang gagawin mo (ipinakita na nag-ubo ubo) kung may plema mawala. Tapos ang sabi niya, maingay daw ako, pero siya ‘yung tumayo nag-ingay, binagsak ang pinto, kung saan saan nagpunta parang humahanap siya ng kakampi ba niya. ‘Nung nakakita na siya ng kakampi niya, ayun, ako na ‘yung inaano [binu-bully] nila,” paglalahad ni Whitney.
Baka Bet Mo: Tyson Venegas pinabilib ang judges ng ‘American Idol’, nasungkit ang platinum ticket
Hindi pinangalanan ng komedyana kung sino ‘yung tinutukoy niyang artsita, pero nabanggit niya na ang sumbungan at kakampi niya ay ang aktres na si Ara Mina.
“Tapos nagsumbong ako kay Ara Mina, tinawagan ko. Eh ‘nung time na ‘yun, kinakasal si Ara Mina sa Baguio…hindi ako sinagot. Iyak ako nang iyak sa lobby ng hotel,” saad ni Whitney.
Patuloy niya, “Sabi ko, wala akong kakampi dito. ‘Nung time na ‘yun, gusto ko nang umuwi. Kaso baka lalo silang magalit sa akin dahil umalis ako sa kumbaga bubbles namin.”
“Pero hindi ko makalimutan ‘yung ginawa niyang pangbu-bully sakin,” giit pa niya.
Nang tanungin naman siya kung bakit si Ara ang naisipan niyang tawagan that time?
“Kasi si Ara Mina ang kasama ko sa kwarto,” sagot niya.
Wika pa niya, “‘Nung time na ‘yun kung hindi siya nagpakasal at umalis, hindi nila ako mabu-bully. So doon ako nalipat ng kwarto, doon sa babaeng ‘yun na walang kagandahan.”
Hindi naman daw pinaalis si Whitney sa “Ang Probinsyano,” pero tiniis nalang daw niya ‘yung pambu-bully sa kanya hanggang sa matapos ang kanyang papel doon.
“Sabi ko, mabait naman ako, sumusunod naman ako sa mga roles na gusto nila, pero bakit ganito ang babaeng ito? Siguro gusto niyang mawala ako doon para masolo niya ang pagka-diva,” ani pa niya.