True kaya, GMA ang tunay na producer ng MMFF entry na ‘Rewind’?

True kaya, GMA ang tunay na producer ng MMFF entry na 'Rewind'?

PHOTO: Instagram/@starcinema

TRULILI kaya na silent producer ang GMA 7 sa pelikulang “Rewind” na pinagbidahan nina Dingdong Dantes at Marian Rivera?

Naitanong namin ito dahil ito raw ang chikahan sa loob ng Kapuso network at Kapamilya channel na maganda ang resulta ng silent partnership nila sa nakaraang 2023 Metro Manila Film Festival.

Tanong namin sa aming source, “ang pinalutang ay APT Entertainment, Agosto Dos Pictures at ABS-CBN Film Productions ang producer ng Rewind.”

“Oo hindi binanggit talaga pero kasama ang GMA 7.  Bale ang ABS (CBN) distributor at line producer lang talaga sila,” sambit ng kausap namin.

Hirit pa namin na ang share ng ABS-CBN Films ay ang in-house nilang direktor na si Mae Cruz-Alviar, production people at locations na ginamit mostly sa ELJ Building.

Baka Bet Mo: Marian, Dingdong extra challenge ang halikan sa ‘Rewind’: ‘Ang weird lang!’

“Ang kinita lang nila (ABS-CBN) ay ang distribution pero ang pera galing sa GMA. Hindi siguro nila akalaing kikita ng ganu’n kaya siguro hindi sila nag-invest hindi ko alam kung paano usapan nila, pero 100% sure ako na walang pera ang ABS-CBN diyan at GMA ang kumita at secret nila ‘yan,” diin ng aming source.

“Kaya panay pa rin ang push ng ABS sa movie kahit kumikita na kasi ang porsiyentuhan nila d’yan ay 10%.  Ang total na kinita kasi ng ‘Rewind’ sa Philippines lang ay more or less P750 million, so, ang kinita ng ABS (CBN) diyan ay mga nasa P30 -35 million bilang distributor,” kuwento pa sa amin.

Oo nga, kung nag-invest nga siguro ang Kapamilya channel ay malamang na hindi lang P35 milyon ang kinita nila.

Anyway, kung totoo ito ay kataka-taka kung bakit kailangang itago ito?  Dahil kaya ang GMA rin ang producer ng “Firefly” na nanalong “Best Picture” sa MMFF Gabi ng Parangal?

Bukas ang BANDERA para sa panig ng ABS-CBN at GMA 7 sa isyung ito.
Read more...